Showing posts with label pitik sa pananahimik. Show all posts
Showing posts with label pitik sa pananahimik. Show all posts

Thursday, August 31, 2023

tagapagsalaysay



Palutang-lutang sa hanging 
ibinubuga ng electric fan
ang laso ng balumbon ng bulaklak
mula sa isang trapo.

Gusto ko sanang magpaanod
sa alon ng tanawing iyon, 
upang makahinga, kahit saglit, 
sa salimuot ng palaisipang
iniwan ng pinaslang na kapatid  --

Sa bayang pinuputol ang matatabil na dila,
sino ang magtatangka sa tagapagsalaysay  
ng  sugilanon ng mga dukha? 

Bago malunod sa balon ng pagninilay,
nalusaw ang balumbon ng bulaklak
at sinagip ng kalansing sa garapon 
ang aking malay.  Patak-patak ng sensilyo 
mula sa kalyuhing mga palad --

kaingenero, mag-uuling, magyayantok, 
maglalala ng sawali,  mga katutubo – lahat silang 
ang kinabuhi nakahabi sa sugilanon ng pakigbisog 
ng pinaslang na tagapagsalaysay.

Unti-unting napuno ang garapon, naglaho ang kalansing --
bawat patak ng halad, singtunog ng yapak ng paa sa lupa.

Nahulog sa salamin ng kabaong ang huling sensilyo,
mantsado ng pawis at putik.   Dahan-dahan, 
hinigop ito ng dibdib ng tagapagsalaysay.












Saturday, August 26, 2023

tubig-kulay/ watercolor



humuhulas, nag-iiwan ng bakas 
at puwang; kumakapit sa kapuwa-
kulay.  ganito, halimbawa:  

patak ng pula sa sanaw ng bughaw --  
bumubukad na lilang bulaklak; 

tagusan ng bughaw at dilaw --
balumbon ng luntiang gubat;

pagniniig ng dilaw at pula –
kahel na bukang-liwayway o takipsilim.

gumagapang, lumilihis, sumasanib;
lumilikha ng dilim, nagluluwal ng liwanag;

lumalampas sa kipot ng mga takdang-hugis
at guhit; tulad ng puso, tulad ng bayang 
kumikilos tungo sa malayang bukas.





dayunyor


Tigilan na ang pagkumpara,
hindi iisa ang anak at ama; magkaiba sila.  
Paano pala ang husay at talino?
Lutang ka ba? Natural, ang anak mana sa ama.

At ang ginto? Ang mga naipatayo ni Senyor?
Pag-iisipan pa ba ‘yan? Ikabit sa pangalan ni Dayunyor.
Kung kontra ka,  kung hindi ka bilib,
Huwag ka palang dumaan sa NLEX,

Huwag magpagamot sa Heart Center,
huwag tumanggap ng 13th month pay.
Malinis ang konsensya ng butihing si Dayunyor,
Wala siyang kinalaman sa Batas Militar.

Hindi siya ang nagpakulong,
hindi siya ang nagpatortyur.
Hindi siya ang hepeng kumander
ng masunuring mga berdugo ng diktador.

Mali bang tawaging ginintuang panahon,
Ang rehimeng nagpatanyag sa ating nasyon?
At mabait si Dayunyor, di nagtatanim ng galit, di kumikibo;
di totoong may bayarang taga-tiktok ng kanyang kulo.

Higit sa lahat, marunong siyang tumanaw ng utang na loob,
kaya ngayong nagkatotoo ang hula ni Nostradamus,
ang Hello Garci at ZTE, ang tongpats at tokhang,
ang Napoles, lahat ng ‘yan, mabubura sa ating isipan.

At si Badoy at Gadon? Tatanghalin silang bagong huwaran
ng bagong buhay sa bagong kasaysayan sa bagong lipunan.


 

bayaang dilaan ang apoy


Tinutunaw ng trahedya ng Ukraine 
ang ating mga puso. Hinuhubog ang ating habag 
ng barbarismong ibinabaha  ng CNN BBC Fox News 
sa ating mga monitor –

mga balumbon ng liyab at dagundong ng pagsabog, 
gulanit na mga gusali, bakwit ng miyon-milyong
taumbayan,  pighati sa mga matang kakulay 
ng payapang langit.

At bumabalong ang ating luha. Nunit huwag, 
huwag sanang hilamin ng alat ng pagkiling 
ang ating mga mata.  May mga aninong dapat aninawin,
lalo’t pinaglalaho sila ng kinang ng tanawing 
ating tinatangisan –

silang mga winala, silang mga inulila, 
silang pinagwawatak-watak ng mga sibilisadong 
bombang ibinabagsak sa Somalia, sa Yemen, sa Syria.  

silang mga inuusig ng nagbanyuhay na Hitler,
ng dugong Nazi na dumadaloy sa mga kanyong 
bumibistay sa mga komunidad ng Lugansk at Donetsk; 
habang ipinagbubunyi ng Kanluran 
ang tapang at kabayanihan ni Zelensky.

Karumal-dumal ang pananakop ni Putin. Burak 
ang kanyang budhi.   Dapat lamang sumpain. Bakit hindi.  
Ngunit bayaang dilaan din ng apoy ng ating poot 
si Biden, ang NATO, lahat,  lahat silang 
hayok sa teritoryo, sa langis, sa kapangyarihan.

Huwag bayaang maghugas-kamay at mabura sa gunita
ang mga Pilatong sulsol at instigador ng gera,
silang nangangamkam ng ating buhay at daigdig
sa ngalan ng demokrasya at kapayapaan.











Friday, August 25, 2023

hinaing ng isang kakampi

 
Magkaiba ang pinili nating daan,
hindi tayo magkasama ngayon;
pero bago mo ako husgahan, 
samahan mo muna akong lumingon, 
saglit tayong bumalik sa kahapon.

Magkakapit-bisig tayo noong 1986,
kasabay mo akong sumigaw ng “neber agen”,
kasama mo akong lumaban sa diktador,
kasama mo akong humarap sa kamatayan.

Pagkatapos ng EDSA, balik ako sa dating buhay –
kargador sa palengke, nangangalakal ng basura,
paekstra-ekstra sa konstruksyon.  Ikaw rin,
nagbalik sa dati mong buhay – nagpakatalino,
nagpakadalubhasa.  At ito ang napansin ko:

Bawat pangarap na iyong maabot,
bawat diploma na iyong makamit, 
hakbang palayo sa aming maliliit.  

Sabi ko sa sarili, ayos lang.  Hindi dapat magdamdam. 
Tutal sabi mo, iskolar ka NG bayan.  Kahit paano, 
kinikilala mong bahagi ako ng buhay mo,
na may ambag ako sa edukasyon mo. Kahit paano, 
nakakaramdam ako ng pagmamalaki sa sarili. 

Pero bakit bigla mong pinalitan mo ang tawag sa iyo?
Ginawa mong “Iskolar PARA sa Bayan”. 
Bakit kailangang ihiwalay mo ang iyong sarili sa akin, 
bakit isinantabi mo ang kaisahan 
na nakapaloob sa katawagang “Iskolar NG Bayan”.

Kaya ngayon, ganito ang nararamdaman ko:
Dahil “Iskolar ka PARA sa Bayan”.
ipinapamukha mo sa akin
na may utang na loob ako sa iyo, 
na nag-aral ka para sa akin.

Pero ano ang totoo?  Ang layo mo sa akin.
Hindi mo ako dama.  Lalo ngayon na nililibak mo
ang pinili kong kandidato dahil hindi siya nagtapos.
Alam mo bang sa bawat wagayway mo ng iyong diploma,
itinataboy mo ako palayo sa iyo, 
itinataboy mo ang milyon-milyong mga mangmang
palayo sa inyong mga edukado.

Hindi mo ako dama, dayuhan ako sa buhay mo.
Kung hihingan mo ng resibo ang sinasabi ko
hindi na kailangang maghalungkat ng ebidensya.
Halika, humarap tayo sa salamin
at basahin mo ang iyong utak,
damhin mo ang iyong puso,
pakinggan mo ang iyong dila.

Kanino mo iniaalay ang iyong mga pananaliksik?
Sino ang kinakausap mo? Sino ang nakakaintindi
sa iyong mga akda at talumpati? Sino ang talagang 
nakikinabang sa iyong karunungan?

Tatlumpong taon mo akong pinaasa,
Tatlumpong taon mo akong pinaasam.
Kaya bago mo ako husgahan, pakiusap
Humarap ka muna sa salamin.



balon


itinulak ka niya sa balon
at nilawitan ng kilabban --
pamawi sa kalam ng tiyan.

tinakpan niya ang bibig
ng balon; walang makapasok
kahit gahiblang liwanag.

at inusal niya ang mantra
ng darating na paghuhukom,
inulit ito ng pader, inulit  

nang inulit nang inulit, 
alingawngaw pabalik-balik
ang mantra paulit-ulit

hanggang sa iyong panaginip:  
ililigtas kita sa gutom,
itataboy ko ang  dilim.

at itinibok ng iyong dibdib:
ililigtas mo ako sa gutom,
itataboy mo ang dilim.

luhaan ka nang gumising,
kumakalam ang tiyan,
niyayakap ng dilim.

muli kang pumikit, bumulong:
salamat aking sakalam
salamat aking tagapagligtas.

 

sumpa ng gaba


    ganito gumagana ang batas
ng gabĂ  –  bawat kabulaanang nilubid, 
      bawat panlilibak sa matuwid
na isinabog mo sa himpapawid,

tiyak na bumabalik;  mga pagod at gutom 
na salitang umuuwi sa sariling tahanan,
nag-aanyong limatik na lumalantak ngayon
sa iyong utak at sumisipsip sa iyong dugo.

ngumangatngat  sa anit;
at naglalagas ang iyong buhok,
gumagalugad sa gilagid;
at naglalaglagan ang iyong mga ipin,
dumadalirot sa daliri; 
at naaagnas ang iyong mga kuko.

hindi, hindi ka binabangungot;
      nagbunga na ang iyong inihasik.

masaganang anihan.

bayaang baya'y bumangon at maglayag

 
Leni, pangalan ng bulaklak o bato o alak,
bansag ng bagay na iniluluwal ng lupa at tumatagal,
salitang balon ng pag-usbong at pamumukadkad,
bukang-liwayway  na bumubuklat  ng rosas na liwanag.

Sa pangalang ito,  naglalakbay ang mga barkong kahoy,
hindi alintana ang pulutong ng bughaw-dagat na apoy;
ang mga titik na ito,  dalisay na ilog na naglalandas
sa bawat pusong pinipiga ng kasinungalingan at dahas. 

O pangalang nasumpungan ng sambayanan sa kadawagan,
lihim na pinto ng maligamgam at liblib na lagusan,
nagmamahal, naghahasik ng halimuyak sa daigdig! 

O mabining bibig, hagkan ang aming poot at pagluluksa,
O matang-dilim, haplusin ang aming pagal na gunita;
sa pangalang ito, bayaang baya’y bumangon at maglayag. 

Tuesday, February 09, 2016

makinig habang naghihilik


Isang madaling-araw na kumakaripas
Hindi magkamayaw mga banderitas,
Umaatungal ang pulpol na trompa
Kumakahol mga tambol at trumpeta.

Mga pulis at tanod ay nagkukumahog
Lahat binubulabog kahit asong natutulog;
Pagkaraan  ng mahigit limang taon
Naisipang sumilip ng ating gobernador.

Sa awa raw ni Honesto, tayo’y makakaasa
Kanyang ipapasemento mga bukid at kalsada;
At sa wakas  magkakatubig na ang  ating mga poso;
Basta bukas  kay gob nakaprenda ang ating mga boto.

Mahirap siyang tanggihan, ninong siya ng bayan;
Mahirap siyang hindian, baka hindi magpautang.
Halinang sumalubong, humingi ng kabaong,

Halinang makinig, habang tayo’y naghihilik.

Saturday, November 21, 2015

unyonista


Iniabot ko ang membership form ng Unyon
sa isang profesor; di siya lumingon,
hinawi lamang niya ang aking kamay.
Abalang-abala siya,
marahil sa pagtsetsek ng papel
o pagsulat ng artikulo
para sa isang refereed journal
o pagkonseptuwalisa
ng bagong professorial chair lecture.
Malapit na nga pala ang promotion time.
Walang kibo akong umalis.
Ilang gusali pa nga ba ang dapat kong puntahan?
Ilang puso pa ang kailangang katukin?
Sa susunod na linggo,
Matatanggap na ng mga guro
Ang ikatlo at ikaapat na tranch
Ng rice allowance.

Saturday, August 23, 2014

sapagkat hinihingi ng inang-bayan


sapagkat hinihingi ng inang-
bayan, may kirot man sa dibdib,  
bukal sa loob nilang  inihahandog 
ang kanilang mga anak sa dambana 
ng himagsikan. tulad ng tubig 
na malayang  bumubukal, dumadaloy, 
at sumasanib sa ragasa ng ilog, 
walang pagtutol nilang tinatanggap 
ang paglisan ng giliw nilang mga anak; 
sapagkat hinihinging dakilang pag-ibig. 

sapagkat hinihingi ng dakilangpag-ibig, 
tinitiis nila ang pagkasabik sa  musmos 
na yakapng dating mga munting bisig, 
habang nauulinig ang siyapan ng mga sisiw 
sa labas ng bintanang di maipinid, 
habang umaaninag ng  kalatas 
o anumang badya ng pabatid. 
hindi maigugupo ng takipsilim, dawag, at dahas
ang pag-asam sa pagbabalik ng mga anak 
na mandirigma; nasasabik  sa pagdaloy 
ng mga salaysay ng tambang at tagumpay; 
umaasang muling maliligo sa halumigmig 
ang tigang na hangin; 
sapagkat hinihingi ng inangbayan. 

sapagkat hinihingi ng inangbayan
walang gabing hindi maglalamay sa paghihintay
buhay man o patay ang anak na tumahak
sa landas ng makatuwirang paghihimagsik;
sapagkat hinihingi ng dakilang pagibig!

Friday, August 22, 2014

nais kong malaman


nais kong malaman kung paano sumisid
saranggolang inialay sa lawak ng langit
upang sunduin ang bukangliwayway.

nakipaglaro ba sa mga ibon?  naglayag
tulad ng mga ulap?  nais kong mabatid
kung paano siya sumayaw sa ihip ng hangin.

ano ang kanyang natunghayan?
saang bubong, saang ilog, saang bundok
siya nagpahilom ng mga sugat?

mga kasama, nais kong mabatid
kung paano at kailan ang pisi’y napatid;
kung paano at saan siya bumagsak.

bakit tuyot ang amihan?  tumataghoy
ngunit wala ni bulong tungkol sa saranggolang
buong puso kong inialay sa lawak ng langit.

tinunaw ba siya ng ulan?
pinilas ng kulog at kidlat?
o winarak ng berdugong kamay?

gulanit man ang katawan at pakpak,
lasog-lasog man ang mga tadyang
mga kasama, nais ko pa ring mabatid –

huwag ipagkait  ang salaysay
ng pagsuong niya sa takipsilim;
huwag ilihim, huwag ilibing
ang pagkabulid niya sa dilim.


Thursday, May 01, 2014

langib


makadiyos.tapat.kaibigan
makamasa.lakasngbayan.


Lumalagaslas
ang talulot at pulot
sa entablado’t pulpito;

ngunit
singrupok ng papel
ang pangako,
singbagsik ng pulbura
ang dalita.

Habang nagliliwaliw
ang mga nagwagi sa Moro-moro,
at nag-iimbak sila ng laway
para sa susunod nilang palabas,

wakwak pa rin ang bituka
ng dukha; 
bigti pa rin ang tinig
ng maliit.

Kaya hindi magtatagal
at muling maglalangib
ang garbo ng paligid,

mambubuliglig
ang tinakpang ligalig
sa dibdib ng pader:

Isulong ang rebolusyon!


kalingain sila


tama ang  mahal na Pangulo
nararapat lamang silang  arugain –
ang mga mukhang iyon na nakisukob

sa kislap ng kamera noong pitasin niya,
ng mahal na Pangulo, ang hinog na uhay
na iniluwal ng EDSA Dos.

nagurlisan ng sinag-araw at alikabok
ang mga mukhang iyon na araw at gabing
kaulayaw ng kolorete at eyrkon. 

kaya alang-alang sa paghihilom
ng mga sugat ng ating bansa,
kailangang kalingain sila – kailangang

langgasan ang mga gurlis sa kanilang balat
sanhi ng taimtim nilang pakikipagkapitbisig sa atin – 
mga matiising alila sa kanilang mga kusina, bukid, at pabrika.

upang kung manumbalik na ang mala-bubog
nilang kutis ay maanggihan naman ng mga butil
ng mumo o mertayolet ang wakwak nating bituka.


sa alaala ng punong akasya

  
inaruga mo silang lahat wala kang kinilingan
kahit sinong dumating tubero  anawnser  rekruter
elektrisyan titser  drayber pintor  bendor pulitiko

minsan isang maamong mukha ang umukyabit
bumalangga at yumakap sa iyong balikat
itinarak niya roon ang ngiting
umaamot ng pagtangkilik  

pinutungan ng kawad sinibat ng pako
ang iyong mga bisig
payapa mong tinaggap
pag-antak ng sariling sugat
payapa mong iniwi
pagtigis at pagkatuyo ng sariling dugo

isang araw padaskol na isinalaksak
sa iyong katawan ang isang patalastas

“maraming salamat sa inyong pagtangkilik”

habang nakangatngat sa iyong dibdib
mga kawad at pakong tigmak sa kalawang

tumupad sa pangako ang mukhang iyong inaruga
inayos ang trapiko nilinis ang kalsada
pinulak ang limang dekada

ng tapat mong paglilingkod.

Saturday, March 22, 2014

makabayan o makasarili?


LAKANDIWA:

Maligayang pagdating dito sa ating bulwagan
Maraming  salamat po sa panahong inilaan,
Pero bago tayo sumuong sa laban ng katuwiran
Itaboy  muna ang antok, tayo’y magpalakpakan.

Iyan na rin ang palakpak ng ating pagsalubong
Sa mga mambabalagtas  na magtutunggali ngayon,
Hihimayin nila ang kabuluhan ng  edukasyong
Taglay ng rebultong tinatawag nating oblation.

Ilan daang taon nang  itong  unibersidad
Nagsisilbing pandayan ng libong puso’t utak,
Kaydami nang iniluwal,   may tiwali, may tapat
Mayroon ding sa bayan umiibig nang wagas.

Pero sa kasalukuyan paano susukatin ang silbi
Ng ating pagsisikap at mga pagpupunyagi?
Para sa bayan nga ba ang  karunungan ni oble
O nakatuon na lamang sa pansariling mithi?

Sa kanan ko’y binatang  matalino’t huwaran,
Mapagmahal sa kapuwa,  iskolar para sa bayan;
Naninindigan siyang itong ating pamantasan
Sa bansa’y di tumalikod,  kailanma’y di nang-iwan.

Sa kaliwa ko naman  ang  ating panauhin
Dakilang magbubukid  pangalan  ay Makiling,
Ibabahagi niya ang kanyang  napapansin
Sa pagtalima ni Oble sa kanyang  mga simulain.

Sa balagtasang ito tayo’y inaanyayahang
Makinig at magsuri, humimay ng katuwiran,
Hindi upang kumampi  o makipaghidwaan
Kundi upang magbigkis sa paglilingkod sa bayan.

Kaya mga kapatid bago pa man tayo  humikab,
Muli nating ipaabot taus-puso nating  pasasalamat;
Sa mga kabalagtas  na ngayo’y maghaharap,
Tumayo tayong  muli at masigabong pumalakpak.

ISKOLAR:

With great pride I’m telling you, sa ating pamantasan
Every area of knowledge, mapa-sining, mapa-agham;
Our endeavours, our efforts,  lahat ng pagpapagal
Are all selfless dedication,  all intended para sa bayan.

Countless recognitions, di mabilang na  gantimpala
The  UPLB  has brought home, di ba’t dangal ng bansa?
Studies and inventions ng ating mga guro’t dalubhasa
Can anyone deny it?   Di ba’t kayamanan ng madla!

Sa ‘Pinas ba’y may bukid, meron bang laboratoryo,
May forest bang di nag-benefit  sa  ating mga syentipiko?
Our artists and communication experts,  sikat di lang dito
Even outside the country, meron na ring rebulto.

Kumusta naman kaya graduates of UPLB?
Key positions ang hawak sa mga top industry
Reliable, magaling,  maipagmamalaki
Responsible employees:  talagang tatak UP!

Hindi matatawaran  impact and contribution
Of the Universtiy, sa pagsulong ng nasyon,
If this fact can’t be seen ng mga kritiko ni oblation
Their  eyes must have cataract,  utak nila’y may polusyon.

MAKILING:

Wala namang duda na ang UPLB magaling
At humahanga ako sa inyo, sa inyo’y kumikiling,
Totoo ring ang UPLB  naging kaakbay sa mithiin,
At kaagapay ng bayan laban sa kaapiha’t paniniil.

Gayon man sa loob ko’y may nag-aalburotong  tanong
Itama mo, kabalagtas,  kung mali ang  aking obserbasyon;
Iskolar ba ng baya’y, nag-iba na ang oryentasyon?
Bakit kaytaas ngayon, parang altar  ang inyong posisyon.

Pero bago ko palalimin ang  puntong aking inilahad
Sasagutin ko muna sinabi mong mga nagawa ng Unibersidad,
Totoong kaydami ng inyong pananaliksik, kaydami ng mga tuklas
Sa loob at labas ng bansa, kaydaming parangal ang inyong tinatanggap.

Ngunit nasaan ang pakinabang, na kanino ang sinasabing dangal?
Pakisilip anak ang ating  kagubatan, pakitanaw ang ating kabukiran
Na sabi mo’y nabibiyayaan  ng imbensyon at saliksik nitong pamantasan;
Alam mo bang ang kaya kong bilhing bigas ay ang inangkat sa Vietnam?

At nasaan nga ba ang inyong mga syentipiko,  mga artist, at komunikador
Matapos kaming interbyuhin, matapos sa komunidad nami’y mag-exposyur
Lumaot nang pagkalayo-layo, ni hindi na kami muling nilingon;
Matapos kaming pag-aralan, hayun naglilingkod sa dayuhang korporasyon.

Sabi mo’y may katarata ang mata, utak ay may polusyon
Ng mga hindi makakita sa magagandang gawa ni oblation;
Sabi ko nama’y manhid na nga yata ang inyong henerasyon
Hindi na ninyo kami madama,  kaming bumubuhay sa nasyon.

LAKANDIWA:

Madlang pipol, umiinit na ang labanan, bakbakan ay umaatikabo
Pasensya sa abala;  nais ko lamang pong ipaalala layunin nitong pagtatalo,
Narito po tayo hindi upang manakit ng damdamin o makipag-basag-ulo
Kundi upang busisiin kung si Oble’y tumatalima sa sinumpaang  prinsipyo.

ISKOLAR:

Oble remains faithful, sa serbisyo’y tapat, hindi nagkukulang,
We are committed as ever sa paglilingkod sa inang-bayan;
What I can’t understand, ang sobra ko pong pinagtatakhan
Is Makiling’s insinuation na kami’y malayo, parang nasa pedestal.

Makiling,  do you know the reason bakit binago namin ang tatak
Ng  estudyante ng UPLB? So that we shall always be taken back
To the notion that we are for the country, na ang aming puso at utak
Laan para sa bayan; di kami parasite, we’re here to serve not to suck.

You see, we must really concentrate, sa acads dapat kaming magtuon;
Pundasyon ito ng aming hinaharap,  wellspring of our service  to the nation;
This is sacrifice but you call it paglayo sa masa; and that I can’t fathom;
Nasa piling  man ninyo, anong silbi kung hindi natapos ang edukasyon?

MAKILING:

Hindi na ako makikipagtalo sa pagpapalit ninyo ng bansag
Ngunit  sana itanim sa inyong puso, huwag kalimutan, pakiusap,
Na sa pagkayod naming mga dukha sa maghapo’t magdamag
May halagang inilalaan sa inyo, sa inyong edukasyon  inilalagak.

Alam mo bang nang makita ko ang magara ninyong sasakyan
At mabasa ko ang nakatatak na “Iskolar para sa Bayan”,
Labis akong natuwa, halos maluha sa ligayang naramdaman
Sabi ko sa aking sarili,  Makiling, may pag-asa pa ang sambayanan.

Ngunit sa isang iglap ang tuwang iyon ay agad  nawala
Nang ang isang estudyante ay narinig kong nagsalita,
Buong pagmamalaki, halos ipagsigawan niya sa  madla
Na iskolar siya ng kanyang magulang at hindi ng masang dukha.

ISKOLAR:

I’m sorry about that, Makiling,  ayaw ko rin ng ugaling ganoon
Pero totoong sa kasalukuyan our parents do spend a lot for our tuition;
For how else can we raise fund,  ang unibersidad dapat na tumugon
Sa pangangailangan ng mga iskolar para sa isang quality education.

Shall we always beg from the government gayong kapos nga ang budget?
Isn’t it just fitting that we share the burden, na tayo rin ay bumalikat
Sa educational expenses at iba pang gastusin ng ating unibersidad?
We’ve been asking for a budget raise, meron ba tayong natatanggap?

MAKILING:

Kulang sa badyet o ang edukasyo’y hindi talaga  prayoridad,
Sapagkat  kailangang suyuin ang militar nang hindi sila mag-aklas?
Pero ayaw ko nang pasukin ‘yan, baka di tayo matapos kabalagtas
Magtuon na lamang tayo sa mga usapin dito sa unibersidad.

Isang malaking hakbang palayo sa masa  ang pagtataas ng matrikula
Alam mo bang ang apo ko noong nakaraang taon sa UPCAT ay pumasa?
Pero di siya tumuloy kahit may bawas sa matrikula,  dahil hindi namin kaya;
Kung siya’y nag-enrol, malamang  hindi na kumakain ang aming pamilya.

Lalo na ngayong balita ko’y nagtaas na rin ang bayad sa dorm,
Pangamba ko tuloy,  para na lang sa may pera itong si oblation.
Sana nga kabalagtas  pawang mali ang aking mga obserbasyon
Sana nga’y totoong may puwang kami sa inyong edukasyon.

ISKOLAR:

Dependency is a disease at wala  pong libre sa daigdig,
Kailangan po talagang kumayod, magsakripisyo’t sa sarili’y sumandig;
The dorm fee raise that you mentioned, lubha naman pong napakaliit
You know, compared to outside price,  sa UPLB dorms kaylaking tipid.

If we have to survive, kailangan po tayong magtulungan.
This is our real condition,  so many needs; ngunit pondo ay kulang;
Facilities, equipment,  etc. etc., kayraming dapat tugunan
Sa pagbabayanihan, these loads  though heavy, ay gumagaan.

MAKILING:

Ipagpalagay nang kulang nga sa pondo at kaydaming dapat tugunan,
Kung gayon bawat pisong matipid, bawat pisong malikom dapat na ilaan
Sa makabuluhang proyekto, sa tunay na pangangailangan
At hindi sa mga bagay na halos walang kapararakan.

Pasintabi, huwag sasakit ang loob, pero ano bang mapapala
Ng  mga iskolar, ng buong UPLB, ano ang inyong mahihita
Sa pinagkakagastusan ninyong nakataob na mga banga?
Hindi ko talaga maarok ang katuwiran bakit ito ginagawa.

ASUNGOT 1 (bigla na lang sasabat mula sa audience pupunta sa entablado):
Sa praktikal na dahilan,  mga banga’y puwedeng upuan,
Sa estetikang usapin, mga banga’y kaygandang pagmasdan!

ASUNGOT 2:
Sa gilid ng daan? sige maupo ka at maligo sa usok,
Estetika?  Walang taste, sa mata’y tinik na tumutusok!

ASUNGOT 1:
Aba at hindi na tiningnan ang ulap, ang bundok, ang sapa;
Relatibo ang ganda, aber ano ba ang panget sa hugis ng banga?

ASUNGOT 2:
Punta ka sa old hum, mga klasrum sa ibaba parang lungga,
Tungkab ang kisame’t sahig, huwag huminga, amoy patay na daga!

LAKANDIWA:

Sino ang mga ito, bakit nakikisali, bakit biglang sumasabat
Manahimik kayo, hindi ninyo batid puno’t dulo nitong pag-uusap.
Magpatuloy kayo nang mahinahon mga mambabalagtas
Magtuon sa katuwiran, iwasan ang patutsadang sa puso’y sumusugat.

ISKOLAR:

Why don’t you open your eyes wide nang iyo namang makita
Benches, street lamps, pavements at mga education paraphernalia,
Improved dorm services, campus security, surveillance camera
New books, new courses; bakit mga banga ang iyong pinupuna?

MAKILING:

Bakit hindi buksan ang puso anak, nang kalagayan ko’y madama,
Sariwa  pa ang sugat ng hagupit ni Ondoy subalit kayo na aming pag-asa
Abalang-abala sa pagtatayo ng banga, parang nagdiriwang ng pista,
Hindi pa kami nakakaahon sa putik; nasaan ang inyong konsensya?

ISKOLAR:
That is why we study hard, kaya nga nagpapakadalubhasa
So that when we graduate, epektibo ang serbisyo sa dukha,
“Iskolar para sa bayan”,  paglilingkod, iyan ang aming adhika.

MAKILING:

“Iskolar ka ng bayan” anak, kaya dapat lamang na sa baya’y tumangkilik
Sa masa at hindi sa negosyo o dayuhang kompanya  kayo dapat magsulit.
Sana’y  hindi manaig sariling interes, sana kahit isa sa inyo sa baya’y bumalik.

ISKOLAR:

Kahit isa? Well, a great exemplar of service and honour, Juan Miguel Zubiri,
What an inspiration, buhay na buhay  ang delicadeza, alumnus ng UPLB!

MAKILING:

Pagkatapos ng apat na taong protesta ni Pimentel, salamat nakonsensya,
Sana nga’y tunay na delicadeza,  at hindi lamang pakanang pampolitika!

ISKOLAR:

Ang hirap sa iyo’Makiling,  you doubt everything, lagi kang nagsususpetsa!

MAKILING:

Ang hirap sa iyo anak, tanggap ka nang tanggap;  natatakot ka bang magduda?

LAKANDIWA:

Mga kabalagtas, bago  pa man mauwi sa hidwaan itong pagtatalo
Masakit man sa aking loob, mamarapatin ko nang tayo  ay pumreno;
Hindi ako hahatol, kayo na ang  tumimbang sa mga argumento,
Iwaksi ang mahihinang katuwiran, pagyamanin ang mga postibo.

Salamat mga mambabalagtas,  kayo ngayo’y magdaup-palad,
Sa ginawang pagtatalo,  bawat isa’y nakinabang, isip ay umunlad.
Sa inyong mga sumaksi, pati na sa dalawang  kanina’y sumabat
Iwanan ang sama ng loob, humayo nang payapa’t dibdib ay maluwag.

 WAKAS -

















Sunday, January 02, 2011

bitbit ng hangin ang aming pagbangon


    May inilalahad ang dagat,
isang sugilanon –

mga batang singkintab ng balud
ang likod,
mga mangingisdang isinasakmol
ng higanteng trol,

baybay-dagat na kinukuyumos
ng tingga at kombatsyus:

pigtas na tsinelas
butas na baruto
basag na kabibe.

May inilalahad ang dagat,
isang sugilanon –

mga hiningang kaulayaw ng lambat,
naghahayuma ng isang pasyon;
sa kandili ng dilim, gising magdamag –

bitbit ng hangin aming pagbangon.

digmaan


        Hinawi niya ang nalumlom
na sinampay – mga paniking nakabitin
sa bintana ng kanyang lungga.

Sinaksak ng mga retaso ng liwanag
ang kanyang katawan at mukha.
Muling nagtalsikan sa kaniyang ulirat
ang pulbura at mga piraso ng bakal
na gumutay sa kanyang mga binti,
at sa hininga ng kaniyang ama’t ina,
isang umagang
palabas sila ng Mosque.

Sinisid ng kanyang tingin
ang lunting alon ng bakuran,
sa kanyang isip,
binubulabog niya
ang mga butil ng hamog
na nakikipagkindatan sa sinag ng araw,
sinasalat ng kanyang talampakan
ang nagsakliwat
na sapot ng gagamba.

Nahinog ang hamog
sa kanyang mga mata,
umingit, pumihit
ang kanyang wheelchair.

Wasak na saranggolang
kumampay sa hangin
ang ulila niyang

binti.

Sunday, May 02, 2010

desaparecido


Pitong taon na siyang hindi bumabalik
at tila walang katapusan ang aking paghihintay.

Bawat araw dapit-hapon ng pagdungaw at pagtanaw sa kawalan;
bawat dapit-hapon pagkapit sa humuhulas na mga gunita.

Pitong taon, pitong taon ng paghihintay sa kagubatan ng pag-iisa –
nagsasalimbayan ang mga agam-agam at pangitain;
nagbubuhul-buhol ang tilaok ng manok at taghoy ng kuliglig;
nalulusaw ang lahat ng mapa at krokis,
sumasanib sa halumigmig na nakayakap
sa nangangaligkig na mga sanga at dahon;

nababasag ang silahis ng liwanag
sa bawat paghugot ng buntong-hininga.
Paano iindahin ang mga kudlit ng durog na bubog
na ihinahaplit ng inip sa tumatangis na kisame at dingding?
Paano sasalagin ang sikdo ng bigong pag-asam
na bitbit ng bawat aninong maaninag,
ng bawat kaluskos na maulinig?

Nakasalampat ako sa isang higanteng sapot ng panaghoy,
poot, kamatayan, at pag-asa – nag-uumpugan ang pagluluksa,
ningas ng kandila, banderitas, ginisang bawang at sibuyas,
formalin, pintura, kolostrum, pusod, bumbunan, lampin
litrato ng pamilya, katibayan ng bautismo, diploma sa kolehiyo,
kombatsyus, batuta.

Manhid na ang aking mga daliri sa walang patlang na pagkatok
at pagmamakaawa sa bawat tarangkahan, sa bawat pinto –
kampo ng sundalo, kulungan, detatsment, opisina ng pulisya,
komisyon ng karapatang pantao, telebisyon, radyo, diaryo;
puso ng mga obispo, pari, madre, mga manggagawa ng n.g.o.,
ng mga kapitbahay, may-ari ng pabrikang dating pinapasukan
ng aking anak, kung saan siya huling nakita.

“Anak ko – tulungan nyo akong hanapin ang aking anak.”
Paghihintay – isang nagngangalit na dagat,
nadudurog na burol, tuyot na patak ng ulan;
langkay-langkay na pagsalakay ng agnas na hininga,
ng talaksan ng upos, ng kinakalawang na hinlalake,
ng pulbura; ng mga butil ng pawis, dugo, plema, tamod,
at binunot na mga kuko.

Paghihintay – isang kulubot na kamay,
lumulutang sa pagitan ng pintong nakatiwangwang
at ulilang kandilang pitong taon nang
nananabik sa halik ng apoy.

Wednesday, October 28, 2009

hindi tulad ng tuyong damo ang iyong mga salita



Awit-pagpupugay kay Carlos Bulosan -- makata, manunulat, unyonista. Ipinanganak sa Mangusmana, Binalonan, Pangasinan noong 02 Nobyembre 1911 at namatay sa Seattle, Amerika noong 11 Setyembre 1956. Nagsilbing tinig ng libo-libong manggagawang Pinoy sa Amerika noong panahon ng Depresyon at Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ginugol ang buhay at panulat sa pagtatayo ng lipunang walang binubusabos, walang binubusalan ang bibig.



Here, here the tomb of Bulosan is,
Here, here are his words, dry as the grass is.
- Carlos Bulosan, “Epitaph”

------
Sapagkat kaagad nagliliyab ang tuyong damo
sa bahagyang halik ng apoy,
at iglap na naaabo ang kanyang alipato,

Hindi, Allos, hindi tuyong tulad ng damo
ang iyong mga salita; oyayi sila
ng mga ilog at kabukiran ng Mangusmana
na kumalong sa tuwa ng iyong kamusmusan –
gunitang sumasalag sa ulos ng taglamig.

Hindi, Allos, hindi tuyong tulad ng damo
ang iyong mga salita; halakhak sila
ng mga bulubundukin at kapatagan ng Amerika,
lunting luwalhating humahaplos sa iyong likod
kapag sinasalakay ng hapo at lungkot
ang mga plantasyon ng mansanas, gisantes, at asparagus.

Hindi, Allos, hindi tuyong tulad ng damo
ang iyong mga salita; tagulaylay sila
ng aming hinagpis at poot, taginting ng tula
sa gitna ng gutom at dahas, lagaslas
ng dugong dumadaloy sa aming pag-asa at panaginip.

Hindi, Allos, hindi tuyong tulad ng damo
ang iyong mga salita;

sapagkat kailan ba natuyo ang tula at puso
ng makata ng sambayanan, kailan ba natuyo
ang pagasam at pag-asa sa pagsilang
ng bagong daigdig?