Friday, August 22, 2014

nais kong malaman


nais kong malaman kung paano sumisid
saranggolang inialay sa lawak ng langit
upang sunduin ang bukangliwayway.

nakipaglaro ba sa mga ibon?  naglayag
tulad ng mga ulap?  nais kong mabatid
kung paano siya sumayaw sa ihip ng hangin.

ano ang kanyang natunghayan?
saang bubong, saang ilog, saang bundok
siya nagpahilom ng mga sugat?

mga kasama, nais kong mabatid
kung paano at kailan ang pisi’y napatid;
kung paano at saan siya bumagsak.

bakit tuyot ang amihan?  tumataghoy
ngunit wala ni bulong tungkol sa saranggolang
buong puso kong inialay sa lawak ng langit.

tinunaw ba siya ng ulan?
pinilas ng kulog at kidlat?
o winarak ng berdugong kamay?

gulanit man ang katawan at pakpak,
lasog-lasog man ang mga tadyang
mga kasama, nais ko pa ring mabatid –

huwag ipagkait  ang salaysay
ng pagsuong niya sa takipsilim;
huwag ilihim, huwag ilibing
ang pagkabulid niya sa dilim.