Showing posts with label silang kapiling ng lupa. Show all posts
Showing posts with label silang kapiling ng lupa. Show all posts

Saturday, September 02, 2023

tagibang na timbangan


Mula sa pagbubudbod ng binhi
hanggang sa pagsisilid sa buriki,
inaruga namin ni Inang
ang bawat sibuyas;

pero sa bodega ng kapitalista,
parang grabang isinaburayray[1] 
sa semento ang aming ani.

Hinalukay, iwinasit[2] ang mga  pikils, 
bulugan, obersays, at burlis[3]
na isiningit daw namin sa mga gud[4].

Tila hinigop 
ng tagibang na timbangan 
ang humumpak naming mga buriki.

Nanikip ang aking lalamunan,
Kumalog ang aking tuhod –

Ibig sumirit ng dugo
sa mga daliri ni Inang;
halos madurog sa kanyang palad
ang puluhan ng sakbat niyang gulok.



[1]    ikinalat; isinabog
[2]    pabalagbag na iniitsa sa tabi
[3]    pikils - maliit na sibuyas; bulugan - sibuyas na parihaba o hugis-titi; obersays-  malalaking sibuyas; burlis -  sibuyas na walang balat. reject ang generic na   tawag sa mga ito.
[4]    mula sa Ingles na good, sibuyas na katamtaman ang laki; klase ng sibuyas na karaniwang hinahanap ng mamimili.


yapak at yakap ng yumaong kabiyak

 
Isinandal ni nanay Crisanta 
ang araro at pagal na katawan,
pinangko ang kanyang likod
ng kubong kumukupkop
sa kanyang dalita’t pangungulila.

Hinaplos ng kanyang mata 
ang prusisyon ng mga tiningkal,
nangakatingalang  tila iniaalay
ang sarili sa isang ritwal….

Ilang sudsod pa ng suyod,
ilang pasada pa ng paragus,
ilang oras pa ng pagpapayok*

at nadurog ang mga tiningkal;
nabunot, nalagot ang mga ugat –
humandusay ang kahuli-hulihang mutha.

Nag-aanyaya ng pagtundos
ang buhaghag at mamasa-masang lupa;

Muling nasamyo ni nanay Crisanta
sa maligamgam na simoy ng pinitak 
ang yakap at yapak ng yumaong kabiyak.




*  pagtatrabaho nang mag-isa. may konotasyon ng tiyaga at determinasyon


parang sibuyas ang buhay

 
Parang sibuyas ang ating buhay
napakanipis ng balat, 
walang pananggalang,
pawang marupok 
            na talukap. 

Bakbakin mo ang balat,
talukap ng pagbabakasakali;
        bakbakin mo, 
                talukap ng ligalig;
                bakbakin mo,
                        talukap ng pasakit
                          pasakit
                    pasakit
                        pasakit; 
    paliit nang paliit
hanggang mawala.

Apo, wala na tayong magagawa,
Kaloob ito ng Maylikha.

        iginagalang ko Ingkong
        ang iyong saloobin; 
        ngunit paumanhin 
        iba ang aking pagtingin.
      
        totoong parang sibuyas 
        ang ating buhay,
        balot ng  talukap 
        ng pasakit.
      
        ngunit hindi ito kalooban
        ng diyos.
      
                        tuwing anihan,
                nasasaksihan natin 
    ang mga bulsang pinaaalsa 
ng sibuyas – biyayang bumukad 
        sa lintos at kalyo ng ating palad.
      
      Ingkong, sumusulpot
      ang usbong ng sibuyas 
      mula sa ubod;
      
                      at ito ang dahilan
kung bakit ayaw kong sumuko,
kung bakit ko tinatalikdan
ang inyong paninindigan –

                                    nais kong tuklapin 
             ang mga talukap ng ating pasakit;

        nais kong pasibulin
ang ubod ng ating tuwa, ang pagsalig

sa sarili nating mga bisig.

pabalik-balik na pangitain

 
Punlaan: muling isinuga
ni Mr. Yap sa kanyang pitaka 
ang kapalaran ni nanay Ester
at ng dalawa nitong anak.
 
Anihan: muling mamumuwalan
sa tubo ang pitaka ni Mr. Yap
habang binubusbos naman ng utang
ang palabigasan nina nanay Ester.

                  Kagabi
habang pinaghahalinhan nila
ng kanyang panganay 
ang paglalagay ng basang bimpo 
sa noo ng kanyang bunso,
humugis sa gunam ni nanay Ester
ang dating malabo
ngunit pabalik-balik na pangitain:

Isang Mr. Yap  ang nakabulagta 
sa nakasambulat na sibuyas 

nakasalaksak
sa kanyang lalamunan
ang isang sugatang asad*
.


* pantanim ng sibuyas na gawa sa metal o pinatulis na sanga ng matigas na kahoy

muling papaswit ang mga takure

 
Anihan.

nagsalimbayan sa himpapawid 
ang mensahe ng mga diyos: 

“baratin ang cbuyas.”

Umalingawngaw ito sa bawat sulok
ng kanilang mga altar – 
Divisoria, Cabanatuan, San Jose
at maging sa Visayas at Mindanaw.

Ngunit walang patid 
sa paniniktik ang pinitak.
Nagtipon ang mga magsisibuyas 
upang isagawa ang  kanilang balak
laban sa mga diyos.

Bagong bukad silang bulaklak 
na ang polen ay isinaburayray[1] ng amihan
sa bawat pinitak, bawat pilapil, bawat putog[2]
bawat tibag, bawat bangkagan[3]

sa mga gilid ng daan, sa mga bakuran, 
sa mga opisina, eskuwelahan, simbahan, 
palengke – 

sa buong Pantabangan.

Umalimbukay ang alikabok 
sa pagdating ng mga diyos.
Muli nilang babaratin ani ng Abuyo[4] –  
primera klaseng sibuyas: mabilog, 
pulang pula at makinang ang balat,
malutong at siksik ang mga talukap.

“ttba na nmn tyo.” 

Paniniyak ng mga diyos.

Ngunit binulaga sila 
      ng isang pasalungat na prusisyon: 
      mga buriki ng sibuyas na nakalulan
sa patuki,  kareta,  kariton, traktora,  
      jipni, wipon, siksbay;

mga buriki ng sibuyas na pasan, sunong, 
      bitbit, kipkip ng mga bata, matanda, 
      babae, lalaki, lesbian, bakla;
      
mga buriki ng sibuyas na nakapingka 
      sa likod kambing, kalabaw, baka.
       
At habang tuod na nakatunganga 
sa pagkamangha ang mga diyos,

unti-unting naging kagampan sa sibuyas
ang buong Pantabangan. Ginawang hayangan
ang silid-aralan at pasilyo ng mga eskwelahan,
ang balkonahe at session hall ng munisipyo;
ang mga health center, day care center, 
      at barangay hall; ang mga pasilyo 
      ng simbahan at kumbento; ang mga sala, 
      kuwarto, kusina, banggerahan, batalan, 
      balkon, at bubong  ng bawat bahay.

anihan: 

      muling papaswit[5] ang aming mga takure
      at gagalakgak ang aming mga kalan at dulang.



[1] isinabog
[2] burol
[3] tumana
[4] bahagi ng mga bukiring pinalubog ng Pantabangan dam.  Ginagawa itong                   taniman  ng sibuyas kapag lumiliit ang tubig-dam.
[5] sisipol








laking gulat ng barat

 
Binusiksik ni Mr. Suwitik
ang laman ng mga buriki;
ibinukod ang mga rejek[1]
ayon sa sipat at panlasa 
ng sulipat niyang mata.

Gumaan nang todo 
ang ani ni Mang Berto.

Bago bitiwan ang bayad
negosyante ay humirit: 
itawad na lang daw 
ang kanyang nirejek?

Buntis noon ang  ulap
at walang laban sa ulan 
ang sibuyas na kayselan.

Kaya tiyak si Mr. Suwitik
na hinding hindi tatanggi
ang probinsiyanong pobre.

Pero laking gulat ng barat –
tumalikod si Mang Berto,

ikinarga nito sa kariton
at tinalukbungan ng tarapal
ang kanyang sibuyas.

Pinitik niya si Kalakyan, 
pauwi.



[1]  reject, tawag sa mga sibuyas na bagsak sa quality control.  Halimbawa nito ang  pikils- sobrang liit; bulugan- parihaba o hugis-titi; obersays-halos gasuntok ang laki; burlis- walang balat. 


kur-it


Singlalim ng bakas ng kur-it[1] sa punlaan,
ang mga gatla sa iyong noo’y katumbas
ng bawat pagpintog  ng sibuyas, Tatang.

Ngunit sa kanya na may makinis na kutis
sa kanya na may maninipis na palad 
sa kanya na walang ibang inaatupag
kundi magkuwenta ng tubo at pautang –

sa kanya nauuwi ang katas ng sibuyas.

At sa atin na inaagnas ng pestisidyo 
at pataba ang talampakan at palad,
ang nalalabi ay gulanit na kubo
at mga panghal[2] na tiningkal.



[1]    manipis na kahoy o metal na pinangguguhit sa pagitan ng mga punla para                  pagbudburan ng  pataba o binhi ng sibuyas.

[2]    tigang

buliga*


Winawarat 
ng palakat ng buldoser 
ang hanging nakakumot 
sa paanan ng Sierra Madre.

Hindi magkandaugaga
mga  politiko’t negosyante,

binibilang mga bituing 
kanilang susungkitin 
sa langit  na hatid 
ng Pantabangan Dam.

Hinahaplos ni nanay Ester ng titig,
ang tila luhang mga dahon ng sibuyas 
na iniluwal ng kanyang pawis;
 
nadudurog sa kuyom niyang palad 
ang buligang pagkagat ng dilim
sasagpangin ng tubig-dam.


* gasuntok na lupang matigas 

barat na bunganga


Ginising ng aking araro 
ang nahihimbing na lupa.

Tumingala sa langit
ang mga buliga[1] – 
tila iniaalay ang sarili
sa isang ritwal.

Mga tiningkal: 
muli’t muling
 
hahaplusin ng suyod,
yayakapin ng paragus,
hahalikan ng asad[2],
dadantayan ng ilog.

Mga buliga:
muling magluluwal ng sibuyas
na magpapasigla sa kalan at dulang;

Ngunit hindi sa aking palad
na nagpagal sa lupa uuwi ang biyaya,
kundi sa naglilitanya ng ganansyang
talsik-laway at barat na bunganga.


[1]   buliga – tiningkal
[2]  asad - pantanim ng sibuyas, puwedeng kutsilyo o  pinatulis na sanga ng kahoy


 

awit ng magsisibuyas

 
Tusok, tundos, tabon. Atras, atras, atras
Kalong ng sibuyas ang saganang bukas
Tusok, tundos, tabon. Atras, atras, atras.

Huwag pakalalim nang hindi palito
Ang ating anihin. Huwag pakababaw 
Nang hindi  Mabolo ang ating mahukay.

Simbilis ng pulso, itusok ang asad*
Singtulin ng kisap, humakbang paatras
Nang hindi maiwa’t mapagsalikupan

Tusok, tundos, tabon. Iimbay, igiling 
Kalawanging braso, tuhod at baywang
Nang hindi mabuskang “matandang hukluban.”

Bilis, bilis, bilis!  Ay, saan susuling?
Punla sa kaliwa, punla rin sa kanan
Punla sa likuran, punla kahit saan.

Tusok, tundos, tabon. Mutya ng pinitak 
Bakit naging tuod? Hakbang, dahan-dahan 
Baka madapurak sibuyas ng buhay. 

Kalong ng sibuyas ang saganang bukas
Tusok, tundos, tabon. Atras, atras, atras
Kalong ng sibuyas ang ating pangarap.


* pantanim ng sibuyas, puwedeng kutsilyo o pinatulis na sanga ng kahoy


anong bukas kaya ang mapamumukadkad?

 
Sinasaksak ng liwanag-bombilya ang aking mata 
Tuwing kumikislap sa puso ang mga alitaptap
at pasusuhing mithi na itinaboy at sukat 
ng tinatanuran ko ngayong dayong pabrika.

Oo, tanod din ako noon sa lupang ito
sandata ko’y tirador, tinutugis mga uwak
at dagang sa butil lagi nang ngumangatngat; 
ngayon, bantay akong itinataboy ay tao.

Kapag nabubunggo ng nangangapang paningin
pader, tsimni, usok at basurang bumubulwak
sa tumbong ng pabrika, sa muni’y sumisiklab
ang mainit na dibdib ng nag-iwing bukirin:

Ang gusaling ito ay dating kakawayanang
sumaksi sa tilamsik ng panganay na dagta,
nagkaloob ng papag sa milyong pulot-gata’t 
kumanlong sa supling ng pakikipagsuyuan.

Ang pusaling iyan ay dating mayuming batis
sa gurlis-kamusmusa’y epektibong panghaplos;
at kapag dusang-puso’y masidhi ang pag-ulos
lana itong pamahid sa galis ng hinagpis.

Dinig ko pa ang kalansing ng pangakong
humablot sa kalag ng aming komunidad; 
sa altar ng pagtuwad sa kaunlarang hungkag
ihinandog sa dolyar ang ang lupaing ninuno.

Nangingilo pa ako sa gaspang ng buhanging
nilubid at ipinambigti sa dugo at palahaw
ng mga obrerong nginasab ng makinang 
hukluba’t hikain na’y ayaw pang dispatsahin.

Sariwa pa sa gunita ang anak kong si Lina
Iniluwa ng makinang ang tanging mababakas
na mapagkikilanla’y ang suot na pulseras –
ulilang alaala ng yumao niyang ina.

Ay! anong bukas kaya ang mapamumukadkad
ng isang pag-unlad na bumabansot sa butil 
nitong buhay? Kaunlaran ba yaong pagkitil 
sa daluyang-hininga ng mga kapos-palad?

Hindi ba dapat lamang na akin nang  silaban
ang pabrikang ito na sa aki’y kumukuba?
magkaroon man lamang ng silbi aking pagtanda
at magwakas na itong dustang paninilbihan?

pakikiramay

 
Kulang sila sa salita,
kaya ganito sila magpahayag
ng pakikiramay –

tutuloy sa kusina, maghuhugas ng pinggan, 
magluluto, mag-aabot ng kape 
sa nakikipaglamay;

tutuloy sa likod-bahay, magsisibak ng kahoy,
mag-iigib, maghihintay ng utos –
hangga’t maaari, walang dapat gawin 
ang namatayan kundi magdalamhati.  

Batid nila, kapos ang kanilang bibig
at bulsa.  Hindi nila kayang sisirin ang lalim 
ng kawalan at pangangailangan ng namatayan; 

kaya upang maibsan kahit katiting 
ang dalahin ng nagluluksa – 
babawasan nila ang nakalaan 
para sa sariling hapag,

at palihim na ikukuyom sa palad 
ng namatayan ang nakayanan.
Habang bumubulong ng paumanhin.