Isinandal ni nanay Crisanta
ang araro at pagal na katawan,
pinangko ang kanyang likod
ng kubong kumukupkop
sa kanyang dalita’t pangungulila.
Hinaplos ng kanyang mata
ang prusisyon ng mga tiningkal,
nangakatingalang tila iniaalay
ang sarili sa isang ritwal….
Ilang sudsod pa ng suyod,
ilang pasada pa ng paragus,
ilang oras pa ng pagpapayok*
at nadurog ang mga tiningkal;
nabunot, nalagot ang mga ugat –
humandusay ang kahuli-hulihang mutha.
Nag-aanyaya ng pagtundos
ang buhaghag at mamasa-masang lupa;
Muling nasamyo ni nanay Crisanta
sa maligamgam na simoy ng pinitak
ang yakap at yapak ng yumaong kabiyak.
* pagtatrabaho nang mag-isa. may konotasyon ng tiyaga at determinasyon