Showing posts with label tagpi-tagping bubong. Show all posts
Showing posts with label tagpi-tagping bubong. Show all posts

Thursday, May 01, 2014

ukay-ukay


Konsultahinang panlasa
pero sundin ang tibok ng bulsa.

Ibandera ang pinagsawaan ng iba.

Maano kung hindi brandnyu,
mabuti nang  may pambalabal
sa malaparilyang tadyang
o  malatapayang tiyan.

Maano kung di brandnyu,
mabuti nang may pantaklob
sa nangungulubot na lagusan ng utot.

tiwangwang man na langit


Tiwangwang man
na langit
ang bubong ko ngayong gabi,
mahirap pa ring paunlakan
ang anyaya
ng bilog na buwan.

Sapagkat ngayon,

         pagkatapos manalanta
               ang bulungan ni Meyor
                 at ni Mr. Smith,

ang buwan
para sa akin
ay ang nakasambulat
na mga duguang piraso
ng tabla-yero-kartong
kailangang tipunin at yapusin;

            mga tabla-yero-kartong
kanina lamang
ay kumakalong sa akin,

habang pinagmamasdan ko
ang unti-unting pagdilim
ng langit.

tagubilin ni ingkong


“Bihirang lumabas ang bahag-hari
noong kabataan ko,” sabi ni Ingkong.
Ngunit kapag ito raw ay gumuhit,
Malinaw ang mensahe nitong bitbit:

Pangako ng Maylikha
hindi tayo gugunawin sa baha.

Bakit sa Tacloban?, bigla kong naisip
na para namang nabasa ng matanda;
kaya nga raw lubha siyang nababahala
sa mga tanawin dito sa Maynila.

Kahit saan, kahit kailan, makikita
ang bahaghari – sa pader, sa kuko,
sa buhok, sa balat.  Sabi ni Ingkong,
mahirap nang pag-ibahin Kano at Pinoy

pareho ng suot, pareho ng kilos, pati kulay
ng balat at buhok; mabuti na lamang
at dapa pa rin daw ang ating ilong.

Isang araw, biglang nag-empake si Ingkong
at nakiusap: “Sige na, umuwi na tayo apo ko,
Mangyayari na, magugunaw na ang mundo.”

Inakbayan niya ako at ibinulong ang tagubilin:
“Kailangang matapos ang arko bago dumilim”.

sapatero


Walang daplis bawat tusok,
bawat pukpok walang mintis.

Pukpok, tusok, pukpok, tusok;
kahit warat nang sapatos
na sa kanal ay napulot
iyo pa ring naaayos.

Sa martilyo mong kaygaan,
pumipikit bawat angat;
Sa karayom mong kaykinang
dumidikit bawat tastas.

Matalas pa iyong mata,
Braso’y di pa nanginginig
kahit ika’y sitenta na,
kahit wala ka nang kisig.

Bawat tusok  walang daplis,
walang mintis bawat pukpok.

Laksang luray na tsinelas
binuhay ang pakinabang;
laksang warat na suwelas
pinalawig mo ang buhay.

Di mo pansin ang pagkirot
ng pawisa’t hapong likod.

Sapaterong anong sikap,
masulsihan mo pa kaya
sanga-sangang mga sugat
ng bituka mo’t dalita?


salamin ng buhay kong dukha


Iniluwa siya ng Pinatubo
sa mga kalye ng Maynila,
mistulang tupok na tuod –

kalawanging alambre
ang buhok,
gaspang ng uling
ang kalabit,
alingasaw ng imburnal
ang hininga.

(Yelo ang mata niyang tinutunaw
ng aking ismid at titig na nanlilisik).

Kilik niya ang isang sanggol
na sumusupsop ng pundakol[1].
Kayputla ng kaniyang mukha,
Salamin ng buhay kong dukha.

(Apoy ang luha niyang tumutunaw
sa nagyeyelo kong dibdib).



[1] salitang Pantabangan sa hinlalake

nasa lotto ang pag-asa


Hindi na siya nag-jipni;
naglakad na lang papunta
sa pinapasukang konstraksyon.

Nangarap ng pansit at pandesal
para sa almusal, dumighay
ng mithing bahay kotse diploma
para sa tatlo niyang anak.

Habang naglalakad
nilulurok[1] niya ang bawat mabunggo
ng kanyang mata – pulis poste   aso  
basura   kanal   buntis na tindera   bilao,

at matiyagang ikinukombina
sa kung kaninong birtdey  binyag  kasal  
kamatayan  libing at iba pang petsa,
tunay man o bungangtulog.

pagdating sa kanto, isinubo niya sa lotto
ang nanlilimahid niyang sampung piso
at nag-antanda at umasam, at umasam.



[1] pinipigurahan o matamang sinisipat, inaanalisa, pinakikiramdaman kung anong numero o mga numero ang ikinukubli ng isang bagay o pangyayari, aktwal man o panaginip.

mapapalad kayong mahihirap


Sa ilalim ng alkitrang langit
bayaang yakapin kita bunso,
kumutin mo ang bisig kong hapo
humimlay ka sa pagal kong dibdib.

Iwaksi sa isip ang dagundong
ng buldoser, angil ng de-kabra,
singasing ng pako-yero-tabla.
Iduduyan kita sa daluyong

ng himagsik-pagibig-pagasang
panangga ko sa lamig at gutom,
habang kinakalag ko ang buhol
ng mitong tumatabing sa mata

ng mahihirap.  Aking bunso

kailanman hindi tayo susuko.


lagi akong kumokontak kay lord


Nang magkaroon ako ng selpon,
natuto akong magdasal
nang kusa at taimtim.

Wala akong pinipiling lugar –
simbahan, bahay, iskul, sinehan
jipni, kalye, kubeta.

Lagi akong kumokontak
kay lord

kahit anong aking ginagawa –
kumakain
naliligo
naglalakad
tumatae.

Kahit natutulog.

Singgaspang na ng tuhod
ng Manang sa Quiapo
ang aking pundakol[1]

sa kapipindot sa nanlilimahid
na mga butil
ng aking rosaryo

masend ka
masend ka
plis naman god
masend na sana


hay tnx

Amen.



[1]  salitang Pantabangan sa hinlalake

jack hammer


Nginasab ng takatak ng jack hammer
ang lahat ng tunog, maliban sa tikatik
ng kung anong sakit sa kanyang sintido –

kumakalog ang kanyang utak,
lumuluwa ang kanyang mga mata,
singlamig ng bakal ang kaniyang pawis.

Gumigitaw ang laway
sa mga sulok ng kanyang bibig.
Lumalabo     umiikot     lumalapit

lumalabo ang buong paligid –      
pansit  kape
                 ngiti ng kaniyang bunso yakap
            ng kaniyang kabiyak
trumpong umikot ang lahat.

Bumulagta ang jack hammer. Bukas
hindi na nito liligligin ang dating matipuno
ngunit ngayo’y lamog niyang katawan;

Bukas muli itong yayakapin
ng tulad niyang gutom na mga palad


Magpapatuloy ang proyekto.

in god we trust


bomba sa klats
padyak sa preno
pihit sa manobela
tulak-batak sa kambyo

diin sa silinyador
agwad sa saydmiror
na nasagi ng nagkukumahog
na pasahero

nangangalambre ang tumbong
sa upuang parang pugon

halos malinsad ang balikat
sa pag-abot ng sukli’t bayad
habang nakikipagpatintero
sa kawatang unipormado

at taimtim na nilalanghap
ang utot ng sinusundang

 “in god we trust”


estribong hitik sa anghit


Kahapon,
baradong imburnal na naman
ang Quiapo.

Isang dekada
na akong nakatayo,
nakikipaggitgitan,
nagpaparoo’t parito.

Pitig na ang aking binti.

Hindi pa rin ako makasakay,
kahit sabit lamang.

Mabuti kung hanging-pinipig
ng Disyembre
ang aking nalalanghap,
at hindi utot ng tambutso
at ng mga uod
na umuumbang ng basura.

Mabuti kung eyrkon
ang aking masasakyan –
maginhawa akong makakaupo
at makakaidlip.

Pero ang kaya ko lamang ay jipni;
wala akong mapagpipilian
kundi umukyabit sa estribong hitik

sa anghit.

astig


Dalawa pa!    
kilos,  kilos,
konting ipit,

sigaw ng ale
sabay sampal
sa tagiliran ng jipni.

Hindi ko alam
kung matutuwa  ako
o makukunsumi;

pero astig,       nagkasya

sa ga-beyntesingkong espasyo
ang dalawang dambuhalang puwet
na huling sumakay

bago umarangkada
ang hikaing MalagueƱa.


Sunday, January 02, 2011

kropek


Paos ang pasasalamat na inusal ng maputla mong labi
nang abutin mo ang pabaon kong piso. Napaso ako
sa lamig ng iyong daliri, nanulay ang liyab ng yelo
sa aking bisig, namugad ang ginaw sa aking dibdib.
Agad naglagalag ang aking mga mata upang iwasan
ang iyong titig. Nangimi akong aluin, kahit saglit,
ang nakakapit na kirot ng sikmura
sa ilog na namuo sa iyong mga mata.
Natakot akong lusungin kahit saglit
ang bukal ng pag-unawa sa ilog na iyon.
Gumuho ang aking mga kalamnan at buto.
Batid kong hindi kayang haplusin ng piso
ang hapdi ng agahan nating kropek.
(Paano pa kaya ang pagngatngat
ng pagpapanggap na busog ka pa,
habang nilulunok mo ang amoy
ng pananghaliang iniaalok
ng iyong mga kaklase at guro?)
Hindi mo na kayang ipantawid-
gutom ang mga salita.
Binusog kita ng mga teksto
at imahen na nagpapalagablab
sa mga kamao at istrimer.
Ngayo’y dumidighay
ng katanungan
ang iyong
mga mata.
Hanggang
kailan
itay
?

Tuesday, January 15, 2008

at naglapat ang kaniyang mga pilik


kalaro ng daliri ang kandila,
hinintay niya ang paghupa
ng alimpuyo ng bagyo.
napapapitlag siya
sa bawat kalampag ng bubong,
sa bawat hampas ng hangin
sa playwud na dingding.
nanginginig ang ningas ng kandila
at ang kaniyang mga daliri
sa bawat yugyog
ng sahig.
kailan kaya matatapos ang sungit ng langit?
makabalik kaya si Inang at si Tatang
mula sa laot?
binatak
ng yakap niyang kartun ng damit
ang kaniyang noo,
hanggang tuluyang maglapat
ang pilit niyang binubuklat
na munti niyang mga pilik.
humilig ang kandila
sa dantay ng humimlay na daliri,
at unti-unti,
gumapang ang ningas,
naglambitin sa kartun,
tinupok ang musmos na panaginip.