Hindi na siya nag-jipni;
naglakad na lang papunta
sa pinapasukang konstraksyon.
Nangarap ng pansit at pandesal
para sa almusal, dumighay
ng mithing bahay kotse diploma
para sa tatlo niyang anak.
Habang naglalakad
nilulurok[1] niya
ang bawat mabunggo
ng kanyang mata – pulis poste aso
basura kanal buntis na tindera bilao,
at matiyagang ikinukombina
sa kung kaninong birtdey
binyag kasal
kamatayan libing at
iba pang petsa,
tunay man o bungangtulog.
pagdating sa kanto, isinubo niya sa lotto
ang nanlilimahid niyang sampung piso
at
nag-antanda at umasam, at umasam.
[1]
pinipigurahan o matamang sinisipat, inaanalisa, pinakikiramdaman kung anong
numero o mga numero ang ikinukubli ng isang bagay o pangyayari, aktwal man o
panaginip.