Showing posts with label lihim na sulok. Show all posts
Showing posts with label lihim na sulok. Show all posts

Saturday, September 02, 2023

sugatan ang buwan kagabi

 

sugatan
ang buwan kagabi –
 
   habang nagsasalimbayan
   sa pagsaksak sa aking mata 
   ang kislap ng mga ilaw
   ng poste at sasakyan,
   at ang liwanag
   na iniluluwa
   ng mga gusali
   sa paligid,

magdamag kong dinilaan
ang dugong umaagos
sa maputla niyang pisngi.

Friday, August 25, 2023

soneto ng kubling pag-ibig


Bawat pag-alis ay isa ring pagdating. Ganito nga marahil 
ang paglalakbay: laging  may naghihintay na tuktok ng burol
na nag-aanyaya ng pagbalik. Doon, tumatayo tayong nakatunghay,
inaaninaw ang mga lantad at liblib na bakas ng ating mga hakbang.

Doon, hinahaplos natin ng tanaw at gunita ang haba at lawak  
ng tinahak nating daan; muling dinarama ang lagkit ng putik,
ang hapdi ng tinik, ang ligamgam ng tubig na humubog ng tibay 
ng ating talampakan.  Doon, ibinubulong ng amihan ang lumbay

ng kabiguan nating salubungin ang ambon; doon, bitbit ng habagat
ang galak ng pagtanggi nating sumilong sa lilim ng punong inaanay ang ugat.
Marahil,  binura na  ng alikabok ang bakas ng ating panganay na hakbang;
ngunit ang  ngiti ng pagbati, ang tapik ng pagkalinga, ang mga dasal na inusal,

nananatili, pumipintig bawat sandali; naghahasik ng mga butil ng hamog--
kubling pag-ibig, lihim na nagpapausbong, nagpapabuka ng mga bulaklak.







Sunday, January 02, 2011

tinutugis ako ng sanlaksang kamatayan


Sa iyong sinapupunan ako nagmula;
ngunit ipinaggiitan kong hinugot ka lang
sa aking tadyang -- isang ekstensiyon
anino, ari-arian, laruan.

Isang lalaking kapon, kulang.

Ikaw ang nagluwal sa akin;
ngunit ibinasura kong
tulad ng isang laspag na kondom
ang alab at aral ng iyong sinapupunan,
ang lamig at ligamgam na nag-iwi sa akin.

Isa ka lamang sinapupunan – madilim,
mabangis na gubat na walang pangalan,
kaya nararapat manatili sa dilim.

Hinubog at pinatakbo ko ang daigdig
ayon sa aking bisyon at kagustuhan.
Nagbuo ako ng hukbo, naglunsad ng gera,
tumuklas at gumamit ng armas- pamuksa.
Pinaluhod ko sa aking harapan
ang lahat na parang alipin,
sinupil ko ang dagat at ilog,
ang bukid at bundok,
ang apoy at hangin.

Walang lingon-likod kong tinugis
at tinuhog ang pinakamalalayong bituin
upang gawing kuwintas,
upang ibayong pagningningin
ang karangalang kakambal
ng aking kasarian – kawangis ng aking Diyos,
kawangis ng nilikha kong Diyos.

Tinalikdan ko ang aral at alab
ng sinapupunang nagluwal sa akin;
at ngayo’y napapagod ako.
Binabagabag ako ng buhay
na binigyang-hugis
ng aking mga daliri.
Binabagabag ako
ng nilikha kong gutom at dahas.

Nais kong umiyak;
ngunit hindi ba’t ang luha’y
para lamang sa aking anino?
Sa aking ekstensiyon?
Sa aking ari-arian?
Sa aking laruan?

Nais kong bumalik
sa sinapupunang nagluwal sa akin,
nais kong muling palukob
sa lamig at ligamgam ng buhay;

sapagkat inutugis ako
ng sanlaksang kamatayan.

Tuesday, January 15, 2008

ramdam ko na ang iyong mga paramdam


kapag nagbibisikleta ako
naaaninag kita, nakabitin at pasirko-sirko
sa mga tinik ng alambreng bakod
sa gilid ng daan.
sa tuwing uupo ako sa tarangkahan
para panoorin ang pagsuksok ng araw sa likod ng bundok
nasusulyapan kitang
nagkukubli sa kulumpon ng talahib
sa kabilang bakuran
at nararamdaman kitang gumagapang
sa aking balakang, likod, batok, dibdib.
ayaw mo na akong hiwalayan. kagabi,
paggising ko para umihi,
nakaukyabit ka sa elisi ng electric fan
at nakasilip din sa mga mata
ng kalawanging iskrin ng bintana.
kanina,
muntik na tayong magtagpo
buti na lamang at tinabig
ng bumunghalit na busina
ang kaliwa kong braso palayo sa iyo;
pero nagalusan mo pa rin
ang aking tuhod at pisngi.
dalawampung taon bago ngayon,
narito ka nga sa utak ko
pero hindi talaga kita kilala.
wala anuman, ni anino mo
ang sumagi
sa aking guniguni
o sumilip man lamang sa aking mga panaginip,


kahit na hinahamon na pala kita noon
sa mismong teritoryo mo.
nakikiusap ako:
huwag mo akong dahan-dahanin,
santambak ang mga gunita at pasaning
kapag dumalaw
hindi ko kayang estimahin.
pakiusap,
dumating ka nang payapa pero biglaan
at walang ligoy mong ipataw
ang iyong pakay.