Bawat pag-alis ay isa ring pagdating. Ganito nga marahil
ang paglalakbay: laging may naghihintay na tuktok ng burol
na nag-aanyaya ng pagbalik. Doon, tumatayo tayong nakatunghay,
inaaninaw ang mga lantad at liblib na bakas ng ating mga hakbang.
Doon, hinahaplos natin ng tanaw at gunita ang haba at lawak
ng tinahak nating daan; muling dinarama ang lagkit ng putik,
ang hapdi ng tinik, ang ligamgam ng tubig na humubog ng tibay
ng ating talampakan. Doon, ibinubulong ng amihan ang lumbay
ng kabiguan nating salubungin ang ambon; doon, bitbit ng habagat
ang galak ng pagtanggi nating sumilong sa lilim ng punong inaanay ang ugat.
Marahil, binura na ng alikabok ang bakas ng ating panganay na hakbang;
ngunit ang ngiti ng pagbati, ang tapik ng pagkalinga, ang mga dasal na inusal,
nananatili, pumipintig bawat sandali; naghahasik ng mga butil ng hamog--
kubling pag-ibig, lihim na nagpapausbong, nagpapabuka ng mga bulaklak.