Friday, September 18, 2020

remote learning


Dapat naka-skedyul
ang kahol ng aso mo at hatsing 
ng kapitbahay; takpan
ng makapal na kumot ang bintana,
pambawas ingay at pampaganda na rin
ng audio, mag-subscribe sa mas mabilis 
na koneksyon at dapat mataas 
ang kalidad ng kompyuter at iba pang
gadget. Kung walang subsidy, magpaluwal.

Tandaan: hindi puwedeng tipirin
ang renta sa bahay; kaya bawasan 
ang gastos sa pagkain.  At huwag,
huwag magkakasakit.

Tungkol sa lesson, aba dapat creative. 
Dapat angkop ang disenyo ng kurso 
sa bagong normal: magpodcast, 
gumawa ng  video sa iba’t ibang gadget 
at platform – pang-tv, pang-android, ipad, 
laptop, radyo.  

Maghanda rin ng maraming visuals 
lalo na kung para sa dating moda – 
papel na ipapadala sa kuryer
dahil walang internet ang estudyante.

Huwag munang isipin 
ang second wave ng pandemya;
saka na, tutal palutang-lutang pa naman tayo 
sa first wave.

Huwag ma-depress, ipakita 
na tunay kang resilient, kayang-kaya ‘yan. 

Tandaan, Pinoy ka. Resilient.
Basta isipin mong kaya. Tutal, di naman inalam 
ang kalagayan mo. At di mo rin naman alam 
ang kalagayan ng mga tuturuan mo.