Showing posts with label dilang lagalag. Show all posts
Showing posts with label dilang lagalag. Show all posts

Tuesday, August 29, 2023

saka na


bitbit ng hikbi ang halakhak
kung paanong ang hindi pagsipot 
                                  ay  pagsapit,

at ang sapat ay sapot ring 
kulungan ng kakulangan.

                        sangkot ang singkit 
                                  na sikat-araw 
sa sakit ng sakong at sikong
    sumuko na sa pagsungkit.

sino ang sasaklolo ngayon sa sako 
at salakot na saklot ng suklam 
ng mga sakalam sa Malakanyang?

sisiklab kaya ang malasakit  
                       at pagbabakasakali

kung laging nakakasa ang saltik
                ng salitang "saka na”?

Monday, August 28, 2023

kontrapuntal


kung paanong ang sugat 
nagluluwal ng hilom,
sumisilang sa pagbagsak
ang binhi ng pagbangon.

ikinukubling balakubak,
ngumangatngat sa anit;
gandang isinasambulat,
utot ng utak na may covid.

nasa sulyap ang titig
nasa pikit ang mulat;
tumutulak, kinakabig
tumitiklop, binubuklat.

pagkatapos ng unos,
masdan – sapo ng sanaw
usbong ng binhing haplos
ng bagong sinag-araw.

Friday, August 25, 2023

ikaw na may pusaling bunganga


anong binhi ng pagkamuhi
ang ipinunla ng dilim 
sa iyong budhi?  

bakit puno ka ng poot 
sa matuwid? sa kumakalinga
sa tulad nating mahihirap?

anong dagta ng kabulaanan
ang lumalason sa iyong puso 
at utak?

gaano kalalim ang bulsang 
sumusuhol sa iyong suklam?


Friday, September 18, 2020

doktor makata


hudyat ng alipunga 
ang singasing ng alimuom.
alingasaw  ng  kulob na laway 

ang  pagtulang tulala. 
kaya huwag magpatumpik-tumpik –
idis-empek, ispreyan ng zonrox 

bunganga ng makatang makati 
ang dila.   tokhangin ang beerus 
sa hininga at ngawa ng umaastang

diyos ng kahulugan at salita, 
at parang awa mo na, huwag
lumabas,  manatili sa facebook –

naghahasik ng lupit ang langit,
takasan ang tikatik.   kontaminado
ang panganay na ulan ng mayo.

Saturday, May 03, 2014

pagsamba sa musa


ang aking tula, sapat
nang sipatin ng kapuwa
makatang makati rin
ang dila – may sapot?
may sipit?o supót? tuli na
kapag ako na tumula ay tumulo
ang laway sa pilantik ng sariling
pilantod  na pananaludtod.  maano
kung estranghera sa kurot
at kirot ng karet? maano
kung etsa-puwera ang masa
ng maso sa misa ng aking
pagsamba sa Musa?

kuyawa gud


pasan niya ang pasyon
ng imahinasyon at kunsumisyon –
dinadaliri’t dinadalirot niyang parang libag
ang libog ng mga abang barya-barya,
pero walang palya, ang abuloy
sa kapilya; habang hibang siya
sa pagtugon sa sariling pusok
ng puson. “simbako”,  sambit ni
samuel na taga-cebu, “alagad
na umaaligid. kuyawa gud!”

sa ngalan ng daan


mahilig maghulog ng lumang
pangalan ng daan ang ating mga opisyal.
doon sa daang Duhat, dumipa ang pinturadong
karatulang lata: Dr. Espiritu Z. Yumao St.,
tutok  na tutok sa mata ang mga titik, 
tila tatak  sa retinang namamanglaw
sa tanglaw ng pinalitang palatandaan
at gunita –  duhat, kumpol-kumpol
na bungang biyoleta,budburan ng asin
at kalugin sa magkasaklob na platong lusa.
Namnamin. Ingat; baka sa sarap, malunok  
ang buto.  kawawa ang yumao;  pinarangalan
ng lubak -lubak  na kalye. o baka naman sawimpalad
ang daan;  tinarakan ng baku-bakong budhi.



hinahon


ang hinahon  ay hinhin
sa pagharap sa hirap
ng buhay, kandilang
kumakandili
nakalimlim sa lamlam –
ng sariling kamatayan.

hinagpis


ang hinagpis
na hindi humulagpos
pasâ ng pusong
pantig-pantig ang pintig –
pipitik, puputok  na galis
sa gilas ng himok
ng hamak na pakikihamok.

hamog


binalo ng bala ang poot
at pait ng tilad-tilad
na pakikitalad ng balana;
ang kalayaang dating kaylayo,
ang kapayapaang dating
namimiyapis ngayo’y himig
ng hamog; dumidilig, dumudulog
sa mabikas na bakas ng bukas.

karimlan


walang aliw ang ilaw
na hindi makatanglaw,
dulot nito’y dalit na bulag
sa bula ng mga babala;
mainam pang uminom
ng dalamhati ng dilim
at  magpapiit  sa pait,
nang maisuka ang pagsuko
sa pananakal ng paninikil.

dayo


salat ang salita –
hindi madalit
ang dalita ng bungo
sa bangang binaklas
sa gilid ng gulod;
tiba sa tubo
ang dumayong dumaya
sa dinatnang diwata.

bakod


hindi napansin ang pinsan
kaya lasing na sumingasing ang bintang
at bantang  hindi mapagpahinga
ng buntong-hininga; at pinagbukod ng bakod
ang dalawang magkapit-bukid; natigang
maging ang bulong ng dating
bumubulwak na balong.

masisisi ba ang susô


hindi laging umuungos
ang maangas, umingos man siya
at manggulat sa galit. malamang
mapiit lamang siya sa pait ng sariling
poot.  malamang silaban lamang siya ng inis

sa  unos ng mga anas nilang mga tikom
ang bibig at kamao – kumikilos,
tiyak  na kumakalas sa renda ng nakaririnding
pagngawa, pagngiwi, at pagtunganga.  hukbong
hakbang-hakbang na sumusulong.  masisisi ba

ang susô? sa bawat sulok na sulingan
ng hilong kuneho, nakasulat ang ganito: 
“langhapin mo laway ko.”

Sunday, January 02, 2011

yor stragol, my stragol*


for yu
na nagweyds ng wor
wid words
na yong winiwisper
sa eyr o sa peyper
para iseyv
ang nagdwindol nating mga fores

for yu na magrader day
sa yurin at blad ng mga fores
kaysa magliv nang long
pero whayt naman sa fir

biliv ako sa yo
eylyen reys da ruf

mey ay jas riques
dont tern naman
ol de gans to pens
en da sords to estaylus

kase ang gans at sords
ay may yus
na di kaya ng words

---
* inspayrd bay da pom “We Wage a War with Words”
bay mario l. cuezon in peyds 110 – 111
of da diliman revyu, vol 46 no. 3-4 1998.

Friday, October 30, 2009

talim ng talinghaga


salatin sulatin
ang sariling walang saplot
salain sa salasalabid na sapot
ng puso puson sentido
ang sangsang at sanghaya ng salita
at iwisik sa sugatang sikmura
ng maralita

sisirin ang salamangka
ng patalastas sermon polemika
at tagpasin ng talinghaga tabak dugo
ang daliri’t dilang bumibikig
sa himig ng himagsik-banyuhay
ng masang anak-pawis