mahilig maghulog ng lumang
pangalan ng daan ang ating mga opisyal.
doon sa daang Duhat, dumipa ang pinturadong
karatulang lata: Dr. Espiritu Z. Yumao St.,
tutok na tutok sa mata ang mga titik,
tila tatak sa retinang namamanglaw
sa tanglaw ng pinalitang palatandaan
at gunita – duhat, kumpol-kumpol
na bungang biyoleta,budburan ng asin
at kalugin sa magkasaklob na platong lusa.
Namnamin. Ingat; baka sa sarap, malunok
ang buto. kawawa ang yumao; pinarangalan
ng lubak -lubak na kalye. o baka naman sawimpalad
ang daan; tinarakan ng baku-bakong budhi.