Showing posts with label tanikalang tubig. Show all posts
Showing posts with label tanikalang tubig. Show all posts

Friday, April 20, 2012

ang pasimula


1.  Walang titik, walang tala ang simula

Sa simula ay patak ng hamog
                at butil ng alikabok
na nagtagpo,  nagtalik
sa puyo ng alimpuyo
ng walang patid na pag-inog
        ng mga daigdig.

Walang tala
kung saan at kailan nagmula
ang patak ng hamog, 

walang titik
ang panganay na tibok
 ng butil ng alikabok.

       Ngunit minsan,
sa isang panahong  lumipas,
 namutawi sa bawat bibig,
nanahan sa gunita ng madla,
at inawit ng hangin
ang tungkol sa tuwa ng isang diwata 
              at halakhak ng isang bathala.



2.  Sa daigdig ng walang patlang na  liwanag

Gumising sa isang panaginip ang diwatang
naglaho na ang pangalan
sa alaala ng sambayanan ;
                                
ngunit sa salay-ginip na ito’y nagbabanyuhay
                              sa bansag na Gimgimulah.

Naalimpungatang inapuhap ng diwata
ang hibla ng dilim na pumasok
sa kanyang bumbunan,  
umikot-ikot  at  tila dapog na dumarang  
sa kanyang dibdib, umikid
at namugad sa kanyang sinapupunan.

Pagkaraan ng ilang saglit,          
lumabas sa kanyang pusod ang hibla
at sumungkit ng hamog
sa kanyang kaliwang mata.

Pumatak sa palad ni Gimgimulah
ang nahulog na butil ng hamog,
masuyo niya itong  hinagkan
at pagkatapos ay humimig:

“Hayo,  hamog ng aking tuwa,
binhing butil ng aking luha;
hanapin ang ating tadhana.”

Walong beses  na  umikot
sa palad ni Gimgimulah ang hamog,
pagkatapos ay dumausdos sa kanyang daliri
at kumapit sa hibla ng dilim,
na agad namang pumailanlang sa pagitan
ng daigdig ng walang patlang na liwanag
at daigdig ng walang patlang na dilim.



3.  Sa daigdig ng  walang patlang na dilim

Noong panahon ding iyon,
 isa namang bathala ang ginambala
                              ng isang  babala
sa kanyang panaginip.

Bahagyang napaiktad  si Kobakila
nang tila ipu-ipong umikid papasok
 sa kanyang bibig
ang isang himaymay ng liwanag,
umikot sa kanyang dibdib
at pinag-alab na tila pugon
           ang kanyang  puson,
pagkatapos ay dumukot ng alikabok
                 sa kanyang pusod.

Inilapag ng himaymay
       ang butil ng alikabok
sa palad ni Kobakila .
Makaraang masuyo itong  hagkan,
umawit ang bathala:

‘Sulong,  alikabok ng aking halakhak,
salubungin takda ng ating tadhana;
hindi dapat maantala ang paglikha.’

Walong beses na umikot sa kanyang palad
                                    ang butil ng alikabok, 
dumausdos sa kanyang daliri
at kumapit sa himaymay ng liwanag,
                   na agad namang lumipad
patungo sa pook na nakapagitan
sa daigdig ng walang patlang na liwanag
at daigdig ng walang patlang na dilim.



4.  Nagsalikop ang liwanag at dilim

Hindi nagkisap-mata
at nagtagpo sa pagitan
ng daigdig ng dilim at ng liwanag
ang butil ng alikabok  at patak ng hamog.

Kaagad nagtagis ang darang ng dapog
             at ang liyab ng pugon,
at nilingkis ng walang patid na pag-ikid
ang pagsasanib-ligaya
nina Gimgimulah at Kobakila,
 
hanggang magbuhol
ang magkabilang laylayan 
ng mga balabal nilang liwanag at dilim
at magsalikop at tumibok
                                    na iisang pulso;
hanggang maging isa ang ritmo
ng kanilang mga hininga.

Sandaling tumigil
ang pag-inog ng mga daigdig
        nang bumunghalit
     ang magkasanib na halakhak
nina Gimgimulah at Kobakila.

               Sa isang iglap, nagsalikop
ang daigdig ng walang patlang na liwanag
       at daigdig ng walang patlang na dilim;
isinilang ang Liwalim –  ang pook-pinagsalikupan
ng liwanag at dilim,
ng liwanag at dilim.

Mayamaya, lumiyad at lumatag
 ang butil ng alikabok,
nabasag  at umagos ang patak  ng luha;    

          lumuwal ang malapad na lambak
na ginagapangan ng sanga-sangang ilog,
na hinahaplos ng mabining hangin –

daigdig na supling
ng walang patid na pagtatalik
ng halumigmig at alikabok,
            ng pagsasanib-hininga 
nina Gimgimulah at Kobakila.

Sunday, May 02, 2010

dayuhang dahon









Tatlong dayuhang dahon ang dumausdos
mula sa binuklat kong aklat: kulay kalawang
na mga dahon ng cherry, sycamore, at walnut.

Sabi ng sipi sa pahinang sumipsip ng kanilang dagta:
The initial mystery that attends any journey is:
how did the traveler reach his starting point
in the first place?[1]

Kaninong mga daliri ang pumitas
sa mga dahong ito?
Anong pitlag ng pulso
ang nag-udyok sa kanya upang kitlin
ang taglay nilang kulay ng bahaghari?

Pinulot ko ang mga dahon
at nalagas sila sa aking palad.
Agad kong kinuyom ang aking kamao
upang salagin ang hablot ng hangin;
pero wala akong laban sa batubalani ng langit:
binatak nito isa-isa, dahan-dahan,
ang aking mga daliri, ibinuka
tulad ng pagbukadkad ng bulaklak;
talulot sa talulot,
tumingala ang aking mga daliri.

Mayamaya’y umusbong sa aking bisig
ang mga munting sanga at dahon
at umawit ang isang ulilang Langay-langayan:

Llevad, llevad, oh flores!
amor a mis amores
paz a mi pais y a su fecunda tierra…[2]

Nanuot sa aking ilong
ang lansa ng katutubong dugo
mula sa nadurog na mga dahon.
At bumukas ang tabing
ng isang dambuhalang palabas: St. Louis World Fair –
natulig ako sa titig ng angaw-angaw na taong bumibitil,
sumisinghot sa aking bahag.

Kulay bigas ang kanilang balat
at parang ibong Kilyawan ang kanilang salitaan.
Nasaan ang bangkay ng aking kapatid?
Nangaligkig siya sa ginaw kagabi at di nakayanan
ang kagat ng lamig ng dayuhang lupain.

Tumunog ang gong, pumadyak-padyak ako
habang ikinakampay ang mga kamay.
Nagkalansingan ang mga pilak sa aking harapan
at ang hagikhikan ng mga manonood
na kulay bigas ang balat.

Umagos ang matang-tubig sa aking bumbunan,
nagsaboy ng luha sa nadurog na mga dahon:
bakit puso ko ang pumapasan sa mga patak?

Bakit ako ang lumuluha?


[1] Louise Bogan, Journey Around My Room. Mula sa A Natural Histroy of the Senses ni Diane Ackerman

[2] mula sa “A Las Flores de Heidelberg” ni Dr. Jose P. Rizal

tulog na hipon







Hinagod ako ng lamig ng umaga,
mula talampakan hanggang batok
Nanginig ang aking gulugod.
Wala nang mas tatamis pa sa pagbaluktot,
tulad ng hipong inaanod ng agos.
Umaga itong ayaw kong bumangon,
ngunit masidhi ang babala ng mga kulisap –
wala silang tigil sa pagsilbato,
at katok nang katok ang mga butiki,
tumataghoy ang mga tuko: Bangon!
Sumisilip na ang mga abuhing ulap,
Sumisingit sa mga siwang ng pader
na mga dahon at sanga ng kahoy-gubat.
Hiningahan ko ang aking mga palad,
saka kinuskos at idinampi sa aking pisngi.
Dinama ko ang ligamgam ng sariling dugo.
Umaga itong ayaw kong bumangon,
gusto ko na lamang bumaluktot na parang hipon
at magpatianod sa agos ng paghimbing.
Ngunit basag na ang oyayi ng aking panaginip;
Nambubulabog na ang bulyaw ng bangungot.


walang kamatayang pag-ibig


Laksa-laksang kuto ang bumukal sa iyong ulo
noong tanghaling binulaga ako ng iyong bangkay, Impo.

Ilang milyong kuko ang kailangan upang matiris
ang batalyon ng mga kuto? Parang kinakamot na yero
ang kaluskos ng kanilang mga paa sa nangangalirang
mong buhok. Ikapitumpong taon noon mula nang unang pumatak
ang dugo ng iyong pagdadalaga,
ikapitumpong taon ng panunuyo ng iyong mangingibig.

Walang nakagupo sa panunuyong iyon –
hindi ang pagpapakasal mo kay Ingkong,
hindi ang pagsilang ng inyong panganay
at labindalawa pang sumunod na supling,
hindi ang paglubog ng bayang Pantabangan,
hindi ang pagkalulong mo sa alak.

Ipinangako ng iyong mangingibig ang lahat,
mula sa mga ligaw na bulaklak
hanggang sa katiyakan ng kinabukasan ng iyong kaapu-apuhan.
Wala siyang hininging kapalit maliban sa iyong puso,
na habambuhay mong ipinagkait. Anong bakal ang taglay
ng iyong dibdib at hindi ka natinag ng gayong pangako?

Isang dapit-hapon, hinukay mo ang bagong tubong Guyabano
Upang ilipat sa likod-bahay. Nang iangat mo ang puno,
biglang hinigop ng lupa ang hawak mong gulok,
puluhan lamang ang naiwang nakalitaw. At may naulinigan ka:
natungkab na bato? o nayuping lata? o nabasag na bote?

Biglang sumangsang ang hangin, sumirit ang init
ng pamilyar na titig sa iyong batok. Kumaripas ka papanik ng bahay,
nagtalukbong ng tatlong makakapal na kumot,
yumugyog ang buo mong katawan – isang tanawing
paulit-ulit kong masasaksihan hanggang noong tanghaling
natagpuan kitang wala nang buhay.

Ilang sandali, nakatulog ka at muling dinalaw ng iyong mangingibig.
Nag-uumpugang bato ang kanyang boses:
“Bakit ka natakot kanina mahal ko?”

Hinanap mo ang pinanggalingan ng tanong,
ngunti tulad ng sa paulit-ulit mong panaginip,
sangsang ng hangin lang sumulasok sa iyong ilong.
“Tingnan mo ang iyong tinakbuhan mahal ko,” masuyong dagundong ng boses.
At tumambad sa iyo ang tapayang tungkab ang takip,
umaapaw sa ginto at pilak.

“Hanggang sa kapu-apuhan ng apo mo mahal, walang maghihirap.”
Nang palubugin ang Pantabangan, nang lamunin ng tubig
ang Pasong Kabayo – ang gubat na pinaniniwalaan mong kuta
ng iyong mangingibig, pitong araw at gabi kang nag-nobena
kay San Andres. Nagpasalamat sa katapusan ng iyong ligalig.

Sa kauna-unahang pagkakataon, nawala ang singasing ng alak
sa samyo ng nganga sa iyong bibig. At habang nagluluksa
ang buong bayan sa pagkalunod ng inyong mga ilog, bukid, at gubat
parang Piloklok namang lumilipad ang iyong ngiti at halakhak.

Agad napuno ng sarisaring bulaklak ang ating bakuran –
lumiyab sa dilaw at pulang santan ang ating bakod;
nagsalitan sa araw at gabi ang bango ng camia at dama de noche;
araw-araw, humahalimuyak ang sariwang rosas sa ating altar;
walang patid sa pagbulwak ang bugambilyang
nakabalantok sa tarangkahan.

Nang minsang tanungin kita tungkol sa iyong mangingibig,
saksi sa iyong salaysay ang simoy ng dalisay na hangin
sa ating bakuran. “Mayaman sana tayo ngayon, Impo,”
himutok ko habang nakikipagtitigan sa butas kong tsinelas.

Noon ko nalaman ang dahilan ng walang patid mong paglalango
ng sioktong, ng madalas mong panginginig sa takot,
ng pagtakas ng kislap ng iyong mata, ng pagbubuhul-buhol
ng iyong buhok – mga bangungot na binulabog ng dam
at ipinagkatiwala mo na sa mga alon. Sabi mo noon :

“Minsan ko lamang siya nasulyapan, pero pumikit ako agad
at nakiusap na kung talagang mahal niya ako,
huwag na huwag siyang magpakita sa akin.
Nagmakaawa ako sa kanya.”

Pagmamakaawang sinunod naman ng iyong mangingibig.
Wala nang bakas ng bagabag sa iyong mukha noong umagang iyon,
parang nagkuwento ka lamang tungkol sa mga tagabulag
na dumudukot sa mga batang ayaw matulog sa tanghali.

At nanatili ang aliwalas ng iyong ngiti
kahit na noong mnamatay si Ingkong,
kahit noong mag-asawa ang inyong bunso
at dalawa na lamang tayo sa bahay.

Hiniling ko noon na sana bindi na bumalik
ang iyong mga bangungot, ang ating mga bangungot.
Ngunit anong hininga ang taglay ng iyong mangingibig?

Pagkatapos mong magbabang-luksa kay Ingkong,
muli kang nilusob ng matinding takot. Nangatog
ang buo mong katawan, umurong ang iyong dila
at hindi ka na nakapagsalita mula noon. Mistulang tagusang bubog
ang mga mata mo pero wala akong maaninag
kundi makapal na balumbon ng ulap.

Makalipas ang tatlong araw, dinatnan kitang nakabulagta sa balkon,
bumabalong ang kuto mula sa buhul-buhol mong buhok.
Hindi ko mawari ang sangsang na nakakapit sa hangin.

Nang ayusin ko ang iyong bangkay, napansin ko ang mga hibla
ng buhok ng kabayo sa nakakuyom mong kamao.
Nanlaki ang aking ulo at gumapang ang kilabot sa buo kong katawan –
Dinalaw ka ng iyong mangingibig, na kailanman man
ay hindi mo ginawaran ng kahit karampot na ngiti.

Paano nga ba ibigin ang isang nilalang na kahit sa panaginip
ayaw mong tingnan? Paano mo nga ba iibigin Impo,
ang isang tikbalang?

niyebe


Mahalumigmig ang hangin
at nagliliyab ang mga gunita:
sa salimbayan ng panangis at putok
at pautal-utal na habilin at sigok ni Tatang,
pinasan ko ang krus ng isang tagubilin at panata –
ipagtanggol ang lupa.
Dumakot ako ng dugo sa kinalugmukan ni Tatang;
at nalanghap ko ang kamandag ng hininga
ng mga mangangamkam ng bituka at kapalaran.
Dinampot ko ang asarol at sinimulang hawanin ang burol.
Biniyak ng unang bagsak ng kalawanging pangil na bakal
ang bungo ni Tatang. Dimpaw! Sinong pumaslang
kay Datu Dimpaw, sa nuno ng aking mga ninuno?
Umalingasaw ang pulbura mula sa aking hintuturo,
gumapang at humabi ng pugad sa aking anit,
humukay ng lungga sa ilalim ng aking mga kuko,
tinubuan ng isang batalyong bibig ang buo kong katawan
at sabay-sabay silang nagtalumpati:
There was nothing left for us to do but to take them all,
and to educate the Filipinos, and uplift and civilize them,
as our fellow-men for whom Christ also died.
Tumalungko ako sa bangas na bungo ni Datu Dimpaw,
nilantakan ko ang kanyang utak habang hinahagod ko ng tingin
ang biyaya ni Abal: Akin ang lupaing ito! Mayamaya,
pumailanlang ang koro mula sa isang batalyong bibig:
i’m dreaming of a white christmas,
just like the ones i used to know,
where the treetops glisten, and children listen
to hear sleigh bells in the snow –
At humagok ang kahungkagang humahalukay
sa aking kaluluwa: Niyebe! Niyebe!

basag na bubog sa bibig


Umuulan ng bituin nang igawad mo sa aking noo
ang iyong huling halik: singlamig ng gatilyo
ang iyong labi. Pinisil mo ang palad ko at lumigwak
ang basag-basag na bubog sa aking bibig.
Walang kislap ang iyong ngiti,
pundidong bombilya ang iyong mga mata.
“Inang, anak po ako ng sambayanan.”
Oo, pero sabihin mo sa akin kung paano iwaksi
ang pangamba ng sinapupunang nagluwal
ng luwalhating ngayo’y namamaalam?
Sabihin mo sa akin kung paano pasusubalian
ang pintig nitong dibdib
na bukal ng iyong hininga at pag-ibig?
Unti-unting kumupas ang papaliit mong likod,
hanggang tuluyan kang lunukin ng kasukalan.
At nahulog ako sa balon ng mga tumatangis na ahas,
sinubukan kong umakyat sa nilulumot na pader
ngunit dumulas lamang ang aking mga kuko;
nabitiwan ko ang baul ng resureksyon
mula sa kamandag ng iyong pag-alis
at sumambulat ang mga balahibo at plumahe
ng sanlaksang uwak.
Sa aling bato ko ibabakat ang bakas ng pagbabaka-sakali?
Paano aaninagin ang anino ng sarili sa nagluluksang
lamlam ng mga tala at lilim ng talampas?
Wala akong ibang daan kundi ang sumandig
sa himala ng agimat at pananalig.
Lumuhod ako at ngumanga ang sugat
sa magkabila kong tuhod;
ikinampay ko ang aking mga bisig,
ngunit sa halip na umangat, bumuka mula sa aking kilikili
ang isang gulanit na payong, nakikiusap:
agawin mo ako sa kalawang, haplusan ng langis
ang hukot kong tagdan at bali-baling mga tadyang,
suubin mo ako ng sinunog na palaspas
at ilibing sa puno ng tarangkahan.
Pagkatapos, diligin mo ako ng dasal at pananabik;
hintayin mo ang lagablab ng aking mga talulot.
Pumintig ang panganay na signos
ng iyong pagkawalay sa aking sinapupunan,
nahilam ako sa alat at liyab ng pag-asa at pag-asam
na ligtas kang babalik.
Dumukwang sa bunganga ng balon
ang isang naghihingalong uwak:
ngumanga ako para sahurin
ang patak ng kanyang pagluluksa;
ngunit nanatiling nakalutang sa hangin
ang kanyang luha.
Tigang na lupang nagkabitak-bitak
ang ngalay kong ngala-ngala at dila.

bumabalong ang libu-libong biyoletang bulaklak


Anong babala ang gumambala sa mahimbing mong paghimlay
upang languyin ang ligalig ng lagalag kong panaginip?
Kaylalim ng dilim ng mga taon ng paglimot na nakapagitan sa atin,
kaylapot ng banlik na nakabalot sa iyong mga buto at bungo,
kaybigat ng tubig na pasan ng iyong pinid na puntod,
ano’t nagawa mong humulagpos
at ako’y dalawin, Ingkong?
Pumuslit ka mula sa hilik ng tulog na bulkan
na ngayo’y kubkob ng lamig ng nagsali-salikop na mga ilog;
naglambitin ka sa nilulumot na kalansay ng Mulawing
sa pagkalunod nakakapit pa rin sa kasintahang gulod –
(saan pa hahagilap ng halimbawa ng wagas na pag-ibig?)
Lumulan ka sa mga alon,
pumailanlang kapiling ng mga bula,
pagdating sa pampang, paulit-ulit mong siniil ng halik ang burol
na pinaglipatan ng mga buto at bungo ng iyong mga kadugo,
ng iba ko pang mga ninuno.
Anong dasal ang iyong inusal?
Anong salamangka ang iyong tinula?
Sandangkal mula sa aking ulunan,
lumagaslas sa himbing kong malay
ang gumuhong tadyang ng sementeryo –
natungkab ang mga nitso, bumukas ang mga kabaong,
at bumulagta ang matandang Baleteng
tanod at parola ng mga kaluluwang naglalakbay,
punong tagapag-ingat ng mga lihim ng pugot na sepulturero.
Dumausdos ang hinihigan kong papag,
bumulusok sa kailaliman ng dam at nalagas
ang aking mga ngipin at kuko,
nagkalasug-lasog ang aking mga buto,
natunaw ang aking laman.
Saan ako ihahatid ng iyong lupit?
Diyos ka ba o Demonyo?
Nasaan ang aking bibig?
Bakit hindi mo ako marinig?
Huwag, hindi ako sasama.
Bakit mo ako sinusundo?
Tingnan mo:
bumabalong ang libu-libong biyoletang bulakalak
sa aking bulong!
Ngunit bakit bilanggo ng iyong tinig ang aking bibig?

paghulagpos sa banlik ng paglimot


Paulit-ulit ang inyong pagdalaw
at mahigpit ang inyong pagbabantay, Ingkong.
Walang patid ninyong tinugaygayan
ang aking paglalagalag; kinabisado ang likaw
ng bawat sulok at singit ng aking mga panaginip.
Tinambangan ninyo at binulabog
ang mga madaling-araw ng aking pag-aagaw-tulog,
mga sandaling pinipilit kong iwaksi
ang bagsik ng daigdig, nang kahit paano’y makaipon ng lakas
para sa susunod na paggising. Pero walang sablay
ang inyong pagsalakay; pinasok ninyo
ang pinakamatibay kong tanggulan –
binihag ninyo ang aking talinghaga.
At sino ako para tumanggi?
Sa dibdib ninyo namulaklak ang aking bibig.
Sino ako para sumuway?
Iginuhit ng inyong mga talampakan
ang bulaos na aking dinadaanan.

Narito ang aking mga panaginip, sinisisid
ang mga gunitang nakalibing sa lamig ng tubig-dam,
ginigising ang inyong mga bahag at badang
na ngayo’y nakahimlay sa putik at banlik ng paglimot.