Sunday, May 02, 2010

dayuhang dahon









Tatlong dayuhang dahon ang dumausdos
mula sa binuklat kong aklat: kulay kalawang
na mga dahon ng cherry, sycamore, at walnut.

Sabi ng sipi sa pahinang sumipsip ng kanilang dagta:
The initial mystery that attends any journey is:
how did the traveler reach his starting point
in the first place?[1]

Kaninong mga daliri ang pumitas
sa mga dahong ito?
Anong pitlag ng pulso
ang nag-udyok sa kanya upang kitlin
ang taglay nilang kulay ng bahaghari?

Pinulot ko ang mga dahon
at nalagas sila sa aking palad.
Agad kong kinuyom ang aking kamao
upang salagin ang hablot ng hangin;
pero wala akong laban sa batubalani ng langit:
binatak nito isa-isa, dahan-dahan,
ang aking mga daliri, ibinuka
tulad ng pagbukadkad ng bulaklak;
talulot sa talulot,
tumingala ang aking mga daliri.

Mayamaya’y umusbong sa aking bisig
ang mga munting sanga at dahon
at umawit ang isang ulilang Langay-langayan:

Llevad, llevad, oh flores!
amor a mis amores
paz a mi pais y a su fecunda tierra…[2]

Nanuot sa aking ilong
ang lansa ng katutubong dugo
mula sa nadurog na mga dahon.
At bumukas ang tabing
ng isang dambuhalang palabas: St. Louis World Fair –
natulig ako sa titig ng angaw-angaw na taong bumibitil,
sumisinghot sa aking bahag.

Kulay bigas ang kanilang balat
at parang ibong Kilyawan ang kanilang salitaan.
Nasaan ang bangkay ng aking kapatid?
Nangaligkig siya sa ginaw kagabi at di nakayanan
ang kagat ng lamig ng dayuhang lupain.

Tumunog ang gong, pumadyak-padyak ako
habang ikinakampay ang mga kamay.
Nagkalansingan ang mga pilak sa aking harapan
at ang hagikhikan ng mga manonood
na kulay bigas ang balat.

Umagos ang matang-tubig sa aking bumbunan,
nagsaboy ng luha sa nadurog na mga dahon:
bakit puso ko ang pumapasan sa mga patak?

Bakit ako ang lumuluha?


[1] Louise Bogan, Journey Around My Room. Mula sa A Natural Histroy of the Senses ni Diane Ackerman

[2] mula sa “A Las Flores de Heidelberg” ni Dr. Jose P. Rizal