Saturday, December 11, 2010

dagli akong tumigil at nag-ala-tuod


Isang umaga
nangabute kami ni Manong
sa bangkagan.

“Magdala ka ng patpat,”
mahigpit niyang tagubilin.

Habang naglalakad,
hampasin ko raw ang magkabilang panig
ng dadaanan naming damuhan
para matakot ang mga ahas.

Pero kung mayroon kaming masabat
pumrente lamang daw ako at huwag magulat
at tiyak na ahas ang masisindak.

Pagdating sa kulumpon ng kawayan,
inginuso ko sa kaniya ang isang tudtud –
gabulateng ahas, pakendeng-kendeng
na gumagapang sa silong ng Pukinggang[1].

Dagli akong tumigil at nag-ala tuod.
Nang lingunin ko si Manong
singlaki na lamang siya ng kabute,
kumakaripas sa halip na pumrente.

-----
[1] (clitoria racerosa) ligaw na halamang baging, kulay biyoleta at korteng pekpek ang bulaklak