Showing posts with label hiraya ng hugis. Show all posts
Showing posts with label hiraya ng hugis. Show all posts

Thursday, May 01, 2014

sinumbatan ako ng sulsi sa iyong kamiseta


Sinumbatan ako ng sulsi sa iyong kamiseta
noong  alukin mo ako ng tinda mong mga k’wintas;
ayaw, ayaw pumanatag nitong aking pag-iisa.

sinumbatan ako ng sulsi sa iyong kamiseta
“B’wisit, abala”,  dagli kong kinuyom ang aking bulsa,
tiniyak na wala ni kalansing na dito’y aalpas.

Ayaw, ayaw pumanatag nitong aking pag-iisa.
Laksang bubog ng yelo ang lumuwa sa aking mata –
mga pangil ng lamig na sa iyong puso’y ngumatngat;

sinumbatan ako ng sulsi sa iyong kamiseta
Dapit-hapon, umaambon; marahan, tumalikod ka –
humakbang. Yumakap sa iyong likod ang mga patak;

ayaw, ayaw pumantag nitong aking pag-iisa
Tinawag kita sa gitna ng ulan: “bata halika!”
Ikinubli ka ng dilim; lalamunan ko’y nalaslas.

Sinumbatan ako ng sulsi sa iyong kamiseta,
Dapit-hapon noon, umaambon nang lumapit ka,
bitbit ang tinuhog na kampupot na wala nang katas;
ayaw, ayaw pumanatag nitong aking pag-iisa.


Sunday, January 02, 2011

DILA NG KANDILA



a
lak ang
salitang
ni la la gok
ng a k ing
mga mata
at uta
k
bumuntong
hininga ang
hangin sumayaw
ang paruparong
kurtina na sa
pagkampay ay
agad sinagpang
ng nabulabog
na dila ng kandila

Saturday, January 01, 2011

SAPAGKAT GAYON NA LAMANG ANG PAGSINTA NG DIYOS




sapagkat gayon
na lamang
ang pagsinta
ng diyos
sa sanlibutan
kung kaya
ipinagkaloob
niya ang kaniyang kaisa-isang anak

sapagkat gayon na lamang ang pagsinta
ng negosyo sa sariling diyos, ipinako
nito sa minimum
ang sahod upang
ang sino mang
sumasampalataya
sa kapital
ay hindi
mapahamak
kundi magkaroon
ng buhay
na walang
hanggan
aleluya aleluya

Sunday, May 02, 2010

KALAN


Inagaw ng agiw ang tikas ng mga tungko.
Masdan ang abo: pulbos na latak ng pagtatagisan
at pagtatagusan ng apoy at pagkalam ng utak at sikmura.

Sapat bang iguhit lamang sa noo ang krus na abo
ng sala-salabid na panaginip na kinalinga ng kalan?
Masdan ang mga tungko: mga ulilang alila,

ulirang tanod ng samutsaring pagbabanyuhay.
Sinong makapagsasabing nanatili silang tahimik?
Sa pag-indak ng liyab, hindi kaya sila naganyak umawit?

Kaylalim ng dilim ng lasok na nakakapit
sa kanilang katawan; ngunit pakinggan: dumadaloy
ang ilog sa kanilang mga pusod, humalakhak pa rin
ang apoy na kaylaong kaulayaw ng luwad at bakal.