Inagaw ng agiw ang tikas ng mga tungko.
Masdan ang abo: pulbos na latak ng pagtatagisan
at pagtatagusan ng apoy at pagkalam ng utak at sikmura.
Masdan ang abo: pulbos na latak ng pagtatagisan
at pagtatagusan ng apoy at pagkalam ng utak at sikmura.
Sapat bang iguhit lamang sa noo ang krus na abo
ng sala-salabid na panaginip na kinalinga ng kalan?
Masdan ang mga tungko: mga ulilang alila,
ulirang tanod ng samutsaring pagbabanyuhay.
Sinong makapagsasabing nanatili silang tahimik?
Sa pag-indak ng liyab, hindi kaya sila naganyak umawit?
Kaylalim ng dilim ng lasok na nakakapit
sa kanilang katawan; ngunit pakinggan: dumadaloy
ang ilog sa kanilang mga pusod, humalakhak pa rin
ang apoy na kaylaong kaulayaw ng luwad at bakal.