Laksa-laksang kuto ang bumukal sa iyong ulo
noong tanghaling binulaga ako ng iyong bangkay, Impo.
noong tanghaling binulaga ako ng iyong bangkay, Impo.
Ilang milyong kuko ang kailangan upang matiris
ang batalyon ng mga kuto? Parang kinakamot na yero
ang kaluskos ng kanilang mga paa sa nangangalirang
mong buhok. Ikapitumpong taon noon mula nang unang pumatak
ang dugo ng iyong pagdadalaga,
ikapitumpong taon ng panunuyo ng iyong mangingibig.
Walang nakagupo sa panunuyong iyon –
hindi ang pagpapakasal mo kay Ingkong,
hindi ang pagsilang ng inyong panganay
at labindalawa pang sumunod na supling,
hindi ang paglubog ng bayang Pantabangan,
hindi ang pagkalulong mo sa alak.
Ipinangako ng iyong mangingibig ang lahat,
mula sa mga ligaw na bulaklak
hanggang sa katiyakan ng kinabukasan ng iyong kaapu-apuhan.
Wala siyang hininging kapalit maliban sa iyong puso,
na habambuhay mong ipinagkait. Anong bakal ang taglay
ng iyong dibdib at hindi ka natinag ng gayong pangako?
Isang dapit-hapon, hinukay mo ang bagong tubong Guyabano
Upang ilipat sa likod-bahay. Nang iangat mo ang puno,
biglang hinigop ng lupa ang hawak mong gulok,
puluhan lamang ang naiwang nakalitaw. At may naulinigan ka:
natungkab na bato? o nayuping lata? o nabasag na bote?
Biglang sumangsang ang hangin, sumirit ang init
ng pamilyar na titig sa iyong batok. Kumaripas ka papanik ng bahay,
nagtalukbong ng tatlong makakapal na kumot,
yumugyog ang buo mong katawan – isang tanawing
paulit-ulit kong masasaksihan hanggang noong tanghaling
natagpuan kitang wala nang buhay.
Ilang sandali, nakatulog ka at muling dinalaw ng iyong mangingibig.
Nag-uumpugang bato ang kanyang boses:
“Bakit ka natakot kanina mahal ko?”
Hinanap mo ang pinanggalingan ng tanong,
ngunti tulad ng sa paulit-ulit mong panaginip,
sangsang ng hangin lang sumulasok sa iyong ilong.
“Tingnan mo ang iyong tinakbuhan mahal ko,” masuyong dagundong ng boses.
At tumambad sa iyo ang tapayang tungkab ang takip,
umaapaw sa ginto at pilak.
“Hanggang sa kapu-apuhan ng apo mo mahal, walang maghihirap.”
Nang palubugin ang Pantabangan, nang lamunin ng tubig
ang Pasong Kabayo – ang gubat na pinaniniwalaan mong kuta
ng iyong mangingibig, pitong araw at gabi kang nag-nobena
kay San Andres. Nagpasalamat sa katapusan ng iyong ligalig.
Sa kauna-unahang pagkakataon, nawala ang singasing ng alak
sa samyo ng nganga sa iyong bibig. At habang nagluluksa
ang buong bayan sa pagkalunod ng inyong mga ilog, bukid, at gubat
parang Piloklok namang lumilipad ang iyong ngiti at halakhak.
Agad napuno ng sarisaring bulaklak ang ating bakuran –
lumiyab sa dilaw at pulang santan ang ating bakod;
nagsalitan sa araw at gabi ang bango ng camia at dama de noche;
araw-araw, humahalimuyak ang sariwang rosas sa ating altar;
walang patid sa pagbulwak ang bugambilyang
nakabalantok sa tarangkahan.
Nang minsang tanungin kita tungkol sa iyong mangingibig,
saksi sa iyong salaysay ang simoy ng dalisay na hangin
sa ating bakuran. “Mayaman sana tayo ngayon, Impo,”
himutok ko habang nakikipagtitigan sa butas kong tsinelas.
Noon ko nalaman ang dahilan ng walang patid mong paglalango
ng sioktong, ng madalas mong panginginig sa takot,
ng pagtakas ng kislap ng iyong mata, ng pagbubuhul-buhol
ng iyong buhok – mga bangungot na binulabog ng dam
at ipinagkatiwala mo na sa mga alon. Sabi mo noon :
“Minsan ko lamang siya nasulyapan, pero pumikit ako agad
at nakiusap na kung talagang mahal niya ako,
huwag na huwag siyang magpakita sa akin.
Nagmakaawa ako sa kanya.”
Pagmamakaawang sinunod naman ng iyong mangingibig.
Wala nang bakas ng bagabag sa iyong mukha noong umagang iyon,
parang nagkuwento ka lamang tungkol sa mga tagabulag
na dumudukot sa mga batang ayaw matulog sa tanghali.
At nanatili ang aliwalas ng iyong ngiti
kahit na noong mnamatay si Ingkong,
kahit noong mag-asawa ang inyong bunso
at dalawa na lamang tayo sa bahay.
Hiniling ko noon na sana bindi na bumalik
ang iyong mga bangungot, ang ating mga bangungot.
Ngunit anong hininga ang taglay ng iyong mangingibig?
Pagkatapos mong magbabang-luksa kay Ingkong,
muli kang nilusob ng matinding takot. Nangatog
ang buo mong katawan, umurong ang iyong dila
at hindi ka na nakapagsalita mula noon. Mistulang tagusang bubog
ang mga mata mo pero wala akong maaninag
kundi makapal na balumbon ng ulap.
Makalipas ang tatlong araw, dinatnan kitang nakabulagta sa balkon,
bumabalong ang kuto mula sa buhul-buhol mong buhok.
Hindi ko mawari ang sangsang na nakakapit sa hangin.
Nang ayusin ko ang iyong bangkay, napansin ko ang mga hibla
ng buhok ng kabayo sa nakakuyom mong kamao.
Nanlaki ang aking ulo at gumapang ang kilabot sa buo kong katawan –
Dinalaw ka ng iyong mangingibig, na kailanman man
ay hindi mo ginawaran ng kahit karampot na ngiti.
Dinalaw ka ng iyong mangingibig, na kailanman man
ay hindi mo ginawaran ng kahit karampot na ngiti.
Paano nga ba ibigin ang isang nilalang na kahit sa panaginip
ayaw mong tingnan? Paano mo nga ba iibigin Impo,
ang isang tikbalang?