Showing posts with label salamangka ng santelmo. Show all posts
Showing posts with label salamangka ng santelmo. Show all posts

Saturday, December 11, 2010

nambubulaga na ang mga bulalakaw


Tuwing gapasan,
sinusuyod namin ni Inang
ang mga pinitak na dinaanan
ng mga manggagapas.

Kilik ni Inang ang kanyang bakol,
nakasakbat naman sa aking baywang
ang maliit na buslong gawa sa sako.

Sinusuklay ng aming mga daliri
ang mga bumagsak na uhay
na may nakakapit pang mga butil;
mga uhay na nakaligtas sa ngipin ng gapas;
mga uhay na sadyang iniwan ng manggagapas
para sa tulad ni Inang na walang sariling saka.

Mga manok kaming bihasa
sa pagkahig at pagtuka
ng mga butil na humalik sa lupa.

Magsisimula kaming
singnipis pa lamang ng uhay
ang guhit ng liwanag sa tuktok ng burol;

matatapos kaming nambubulaga na
ang mga bulalakaw.

may tanghali kayang sa saplok ng alon ay magbabalikwas?


(sa mga kabataan ng Pantabangan)


Nilamon na ng mga alon ang malawak na kaparangan –
ang larangan na nagpatibay sa ating mga murang tuhod,
napugnaw na ang mga hamog na yumayakap sa damuhang
sa ating mga talampaka’y kumikiliti, pumupupog.

Malamig na at nilulumot ang naulilang mga patpat
na ipinangtutugis natin sa mga tutubi't tipaklong,
wala nang bagting ng sapot na sa kadawaga'y nagsalabat –
krokis na tagapagturo sa mga gagambang nagkakanlong.

Nagsitakas na sa pandinig matitinis na hagikhikang
kalaro ng tulirong isip at kasiping ng pagal na dibdib,
wala nang makikipagsayaw sa tanglaw ng bitui't buwan
wala na, wala nang iindak sa tugtog ng mga kuliglig.

Ay! sa paglabusaw na ito sa halumigmig ng pangarap
may umaga kayang sa saplok ng alon ay magbabalikwas?

mam me ay gu awt


Nang himasin ng hari ng row por
na si Anton ang kanyang tainga,
agad ikinaluskos ng mga lalaki sa klase
ang pagbubulakbol.

Isa-isa naming iniwan
ang mga des na nanggigitata sa pawis –
habang may gumagapang patakas,
nagkakandabulol naman ang iba
sa pagma-mam me ay gu awt.

Parang mga kabayo kaming lumikwad
sa kabila ng naaagnas na pader ng iskul.
Nagkarera kami sa paghuhubo’t hubad
at paglabusaw sa mga sanga at ulap
na sapo ng naghihintay na ilog.

Hindi namin alintana ang bukas,
kahit alam naming muling lalapnusin
ng tila papel de-lihang daliri ni mam
ang mga tainga naming burdado ng banil.

.

bisukol* at ispeling


Tuwing hapon
pagkagaling ko sa eskwela
lumulusong kami ni Ingkong sa Nabao
para mamulot ng kuhol.

Hindi maglilipat-minuto
at mapupuno ang dala naming bakol.

Matapos ibukod ni Ingkong
ang pang-ulam namin sa hapunan,
aataduhin niya sa mga platong lusa
ang mga kuhol; buong ingat na aayusin
sa bilaong magmimistulang pumpon
ng itim na kampupot,
bilaong susunungin ko’t ilibot
sa buong bayan.

Isang hapon,
habang pumapalakat ako nang pakanta,
pinapanpanan ko ng aking mga siko
ang aking mukha
upang salagin ang mga sibat
ng ngisi’t titig ng aking mga kaeskwela.

Kung puwede lamang maging singtahimik
ng kuhol.
Pero kailangan kong sumigaw:
“Bisukoooool, bisukol kayo diyaaaan”

Kaya malayo pa ako, alam na nila
kung saan ako tatambangan.
At muli, sinundan ako ng walang katapusang
tawanan at alingawngaw:
“BISUKOOOL, BISUKOOOL, BISUKOOOOL”!

Ganito pa rin ang nangyari
kahit nangako silang hindi na nila ako tutuksuhin
matapos ko silang pakopyahin ng ispeling
ng facade at Mississippi.


----
*Bisukol -- kuhol (Paantabangan)

kahit limang dekada nang nakalibing


Sa bawat pagbabalik,
pinapagpag ko ang alikabok
binabakbak ko ang putik,

ginagadgad sa nakabaligtad
na mga tansang pinagdikit-dikit
ang pagal kong sapatos.

At sasalampak ako
sa kawayang sahig
ng aming balkon.

Oo, sa panahon ng pagkabalisa,
ng pagkabagot, ng pangungulila,

may pamawing-hapdi ang pag-uwi;
may pamukaw-galak ang pagbabalik.

Kahit limot na ng lumot at mga alon
ang aking bayan, ang aking tahanan.

Kahit limang dekada nang nakalibing
sa luha at tubig-dam ang Pantabangan.

.

dagli akong tumigil at nag-ala-tuod


Isang umaga
nangabute kami ni Manong
sa bangkagan.

“Magdala ka ng patpat,”
mahigpit niyang tagubilin.

Habang naglalakad,
hampasin ko raw ang magkabilang panig
ng dadaanan naming damuhan
para matakot ang mga ahas.

Pero kung mayroon kaming masabat
pumrente lamang daw ako at huwag magulat
at tiyak na ahas ang masisindak.

Pagdating sa kulumpon ng kawayan,
inginuso ko sa kaniya ang isang tudtud –
gabulateng ahas, pakendeng-kendeng
na gumagapang sa silong ng Pukinggang[1].

Dagli akong tumigil at nag-ala tuod.
Nang lingunin ko si Manong
singlaki na lamang siya ng kabute,
kumakaripas sa halip na pumrente.

-----
[1] (clitoria racerosa) ligaw na halamang baging, kulay biyoleta at korteng pekpek ang bulaklak

Wednesday, November 04, 2009

tuko akong gutay ang tuhod


Binubudburan namin ng abo
ang kalsada upang iguhit
ang hanggahan ng mga kampo
at ang larangan ng gera.

Sino mang mataga ng palad
sa labanang ito ay magiging bihag;
pero hindi puwedeng tagain
ang kawal na nakakapit sa bakod
na himpilan ng kanyang pangkat.

Tuko akong bantay-bakod,
minsan-minsang nangangahas
na lumapit sa guhit
ngunit iglap ding babalik.

Ikakatuwirang babantayan ko na lamang
ang mga bihag na kaagad namang napapalaya
ng mga kalaban – ipinanganak yatang
may imbisibol na pakpak!

Madalas akong mataga at mabihag
at natatapos ang gerang hindi ako naililigtas –
tuwing tatangkain akong isalba ng katropa
hindi kami makalusot kahit sa lampang tanod –

Tuko akong gutay ang tuhod.

sulyap sa bayang nilamon ng alon


Bakasyon noon, may mga sugong
dumating sa bahay mula sa Malakanyang.
Ginusot ng isa sa kanila ang aking buhok,
at kinamayan nila si Tatang at si Inang

Hibla ng ginto ang kanilang laway at pangako –
Namilog ang mata ni Tatang,
Natunaw ang puso ni Inang

Mula noon, umukyabit na sa hangin,
at naging bulaklak ng bawat umpukan
ang papuri sa bayang handa raw lunurin
ang sarili, makahinga lamang nang maginhawa
ang mas nakararami.

Umatungal ang mga makina,
nagtugisan ang mga higanteng trak,
binungkal ang kalsada at kinutkot ang ilog,
ibinulagta ng mga umaangil na lagare
ang mga mangga at santol,
sinuwag ng buldoser ang mga bakod at pader.

Tinibag ang mga nitso, hinalungkat
ang mga kalansay at inilipat
sa mga kahong playwud.

Tila sawang gumapang ang tubig-dam.
Sinagpang ang mga pampang,
nilingkis ang mga bakuran at bukirin,
ang mga gulod at gilid ng ilog.
ang bawat burol, bundok, bangin.

Kumislap ang pangarap sa palatak at sulyap
ni Tatang at ni Inang.

Habang ako at si Manong nakamasid
sa pagsinghap ng mga kalsadang
pumasan sa aming pangarap,

nangingilid ang luhang nakatunghay
sa pagkagunaw ng aming mga halakhak.

santelmo


Tuwing dapit-hapon
nakapamintana si Tatang,
sapo ang pisnging nakatanaw
sa katapat naming gulod.

Nagniningas ang kanyang mga mata
habang hinihintay ang paglitaw
ng santelmo – isang bolang apoy
na supling ng takipsilim,

tila turumpong tumatarang
bago tuluyang sumiksik at maglaho
sa agnas na ugat ng patay na puno
ng Sampalok.

Hindi ko kailanman nakita
ang santelmo, pero napaso ako
sa taglay nitong init na sumisirit
sa mga titig at kuwento ni Tatang.

Sigurado ang mga signos.
May nakabaong kayamanan
sa nilulubugan ng santelmo.

Doon sa umbok na ayaw tubuan
ng damo. Doon sa pinaglahuan
ng kuyog na hindi malaman
kung saan nagmula.

Doon sa tinutumbok ng siko
ng kaisa-isang sanga ng Sampalok.

"Ano ang kapalit?"

Angil ng gulok na itinatagis
sa buhay na bato ang tanong ni Inang.
Habang yapos niya ako nang buong higpit,
habang nililiglig ng balud ang kanyang dibdib.

Hindi ko kailanman nakita ang santelmo,
pero naaninag ko ang pagsinghap
ng huling kislap nito sa mga mata ni Tatang.

Takipsilim noon. Sa tanglaw
ng aandap-andap na tinghoy,
nadatnan namin siyang nakabulagta

Tutop ang dibdib,
kaakbay ng huling hagok ang espiritu
ng sioktong – kasanggang hindi kailanman
nakapaghatid sa kanya sa gulod,

upang maghukay at ilibing ang latigo ng dalitang
lumalatay sa aming bituka’t balintataw.

sana singtaas ng mandala ang mga butil


Tilyadora
ang kapiling namin ni Inang
tuwing bakasyon.

Sa tabi nito,
naglalatag kami
ng tarapal na gawa
sa pinagtagpi-tagping sako.

Habang ang mga luray na uhay
ay humahangos paimbulog,
umiindak sa hangin pababa,
at nagiging mandala
na tila pusod ng lupa;
parang pulubi kaming
nakasahod ang palad,
sinasambot ang mga mumong
tumatalsik mula sa bumubugang
tumbong ng tilyadora.

At habang gumuguhit sa aking leeg
ang alikabok at gilik,
walang patlang ang aking pag-asam:

Maging singtaas sana ng mandala
ang mga butil na pumapatak
sa aming tarapal, sa aming palad.

nambubulaga na ang mga bulalakaw


Tuwing gapasan,
sinusuyod namin ni Inang
ang mga pinitak na dinaanan
ng mga manggagapas.

Kilik ni Inang ang kanyang bakol,
nakasakbat naman sa aking baywang
ang maliit na buslong gawa sa sako.

Sinusuklay ng aming mga daliri
ang mga bumagsak na uhay
na may nakakapit pang mga butil;
mga uhay na nakaligtas sa ngipin ng gapas;
mga uhay na sadyang iniwan ng manggagapas
para sa tulad ni Inang na walang sariling saka.

Mga manok kaming bihasa
sa pagkahig at pagtuka
ng mga butil na humalik sa lupa.

Magsisimula kaming singnipis pa lamang ng uhay
ang guhit ng liwanag sa tuktok ng burol;
matatapos kaming nambubulaga na ang mga bulalakaw.

mam me ay gu awt


Nang himasin ng hari ng row por
na si Anton ang kanyang tainga,
agad ikinaluskos ng mga lalaki sa klase
ang pagbubulakbol.

Isa-isa naming iniwan
ang mga des na nanggigitata sa pawis –
habang may gumagapang patakas,
nagkakandabulol naman ang iba
sa pagma-mam me ay gu awt.

Parang mga kabayo kaming lumikwad
sa kabila ng naaagnas na pader ng iskul.
Nagkarera kami sa paghuhubo’t hubad
at paglabusaw sa mga sanga at ulap
na sapo ng naghihintay na ilog.

Hindi namin alintana ang bukas,
kahit alam naming muling lalapnusin
ng tila papel de-lihang daliri ni mam
ang mga tainga naming burdado ng banil.

kulubot ni inang

 

Mauna na kayo busog pa ako,
sabi ni Inang habang nakapamintana
at nakatanaw sa malayo.

Nag-unahan ang patpat
naming mga daliri sa pagkurot
sa tuyo at tutong na magpapakalma
sa aming tiyan sa buong magdamag.

Habang iniimis ni Inang ang dulang,
sa sulok ng aking mata,
naaninag ko ang kulubot niyang kamay,

parang manok na tumutuka
sa mga butil na nalaglag
mula sa aming mga daliri at bibig.

Sinakal ako ng tanawing iyon –
patagong isinusubo ni Inang
ang mga mumong nakapuslit
sa bagsik ng aming gutom.

awa ng kapit-bahay


Wala kaming bigas noon,
wala ni asin;

Pero hinugasan pa rin ni Inang
ang malinis na naming kaldero.

Napansin kong mas madiin
ang tila walang direksyong
pagkaskas niya ng abo
sa paligid nito –

nakatutulig ang taginting
na nagtatagisang takip
at bunganga ng kalderong
sinadya yata niyang pag-umpugin.

Mayamaya’y inutusan ako ni inang
na humingi ng kapirasong dupungan
sa hindi niya kakibuang kapitbahay.
(Gayong meron naman kaming posporo.)

Wala kaming bigas noon, wala ni asin
pero nagparingas pa rin ng kalan si Inang.

Dati sa isang ihip lamang niya,
maririnig ko na ang hagikhik ng apoy;
pero noong araw na iyon
wala akong nasilip ni katiting na baga,
kahit sinusuob na ng usok
ang bawat sulok ng aming kubo.
(at bakit nga ba sariwang daho’t sanga
ng madre cacao ang ipinanggatong niya?).

Saka ko na lamang malalaman
kung bakit ginawa iyon ni inang –

nais niyang salagin ang sagpang
ng mas mabagsik pa kaysa gutom
na awa ng aming kapitbahay.