Saturday, December 11, 2010

mam me ay gu awt


Nang himasin ng hari ng row por
na si Anton ang kanyang tainga,
agad ikinaluskos ng mga lalaki sa klase
ang pagbubulakbol.

Isa-isa naming iniwan
ang mga des na nanggigitata sa pawis –
habang may gumagapang patakas,
nagkakandabulol naman ang iba
sa pagma-mam me ay gu awt.

Parang mga kabayo kaming lumikwad
sa kabila ng naaagnas na pader ng iskul.
Nagkarera kami sa paghuhubo’t hubad
at paglabusaw sa mga sanga at ulap
na sapo ng naghihintay na ilog.

Hindi namin alintana ang bukas,
kahit alam naming muling lalapnusin
ng tila papel de-lihang daliri ni mam
ang mga tainga naming burdado ng banil.

.