Tuwing hapon
pagkagaling ko sa eskwela
lumulusong kami ni Ingkong sa Nabao
para mamulot ng kuhol.
Hindi maglilipat-minuto
at mapupuno ang dala naming bakol.
Matapos ibukod ni Ingkong
ang pang-ulam namin sa hapunan,
aataduhin niya sa mga platong lusa
ang mga kuhol; buong ingat na aayusin
sa bilaong magmimistulang pumpon
ng itim na kampupot,
bilaong susunungin ko’t ilibot
sa buong bayan.
Isang hapon,
habang pumapalakat ako nang pakanta,
pinapanpanan ko ng aking mga siko
ang aking mukha
upang salagin ang mga sibat
ng ngisi’t titig ng aking mga kaeskwela.
Kung puwede lamang maging singtahimik
ng kuhol.
Pero kailangan kong sumigaw:
“Bisukoooool, bisukol kayo diyaaaan”
Kaya malayo pa ako, alam na nila
kung saan ako tatambangan.
At muli, sinundan ako ng walang katapusang
tawanan at alingawngaw:
“BISUKOOOL, BISUKOOOL, BISUKOOOOL”!
Ganito pa rin ang nangyari
kahit nangako silang hindi na nila ako tutuksuhin
matapos ko silang pakopyahin ng ispeling
ng facade at Mississippi.
----
*Bisukol -- kuhol (Paantabangan)