Saturday, December 11, 2010

kahit limang dekada nang nakalibing


Sa bawat pagbabalik,
pinapagpag ko ang alikabok
binabakbak ko ang putik,

ginagadgad sa nakabaligtad
na mga tansang pinagdikit-dikit
ang pagal kong sapatos.

At sasalampak ako
sa kawayang sahig
ng aming balkon.

Oo, sa panahon ng pagkabalisa,
ng pagkabagot, ng pangungulila,

may pamawing-hapdi ang pag-uwi;
may pamukaw-galak ang pagbabalik.

Kahit limot na ng lumot at mga alon
ang aking bayan, ang aking tahanan.

Kahit limang dekada nang nakalibing
sa luha at tubig-dam ang Pantabangan.

.