Showing posts with label karinyong klasrum. Show all posts
Showing posts with label karinyong klasrum. Show all posts

Sunday, September 03, 2023

prerog



nasusunog ang mga inbox. walang patawad
ang apoy, dinidilaan kahit sagradong sandali
ng sabbath.  

anong lunas sa lalim at lawak
ng desperasyon? 

      nagliliyab ang sidhi ng pagkapit
      sa prerog*
      
      naglalagabab ang pag-asa  
      at pag-asam na may sulok pang 
masisiksikan  sa umaapaw nang klasrum.

nanliligalig ang multo ng tinanggihang
mga hiling at pagsusumamo – walang mukha,
      pawang salita ngunit pantig-pantig 
na pumipintig;  kumukurot  sa puso.



---
* prerog – teacher’s prerogative; karapatan ng titser na tumanggap ng estudyanteng wala sa orihinal na listahan ng  klase;  ginagamit ng estudyante para madagdagan ang ini-enrol niyang yunit.














Wednesday, December 15, 2010

mga titik na sinulid


pagkaraan ng limang taon,
ng iglap na engkuwentro namin sa klase,
nakasakay ko sa bus
ang dati kong estudyante.

agad kong binalikan,
inisa-isa ang mga mukha
ng mga nakasalamuhang tumatak sa diwa;
hindi ko maipirmis ang kanyang hulagway,
hindi ko mahagilap ang kanyang gunita.

'musta na po kayo?,

nakangiti niyang bati,
lampas-balikat
ang kulay kalawang niyang buhok.

ayos naman,

ang di ko pinag-isipang sagot.

lumampas siya;
at nakahinga ako nang maluwag.
di maikakaila ng hikab ang aking puyat
at gusto kong umidlip;

gusto kong samantalahin ang sandali
na walang nambubulahaw na anak,
o gripong tumatagas,
o ilaw na dapat patayin;
na walang kakatok para mamalimos
o magtinda ng diyos.

pagdating sa istasyon ng Magallanes,
agad akong tumayo
at tila palos na kumiwal-kiwal
sa pagitan ng mga balakang at puwet
ng mga nakahambalang na pasahero.

di ko pinansin, may bumulyaw-bulong
sa aking pangalan;
ipinagpatuloy ko ang pagmamadali,
ang pakikipagsiksikan palabas,
pababa ng bus. sumunod ang boses --

ser hintay po,

iniabot sa akin
ng babaeng kulay kalawang ang buhok
ang isang likhang-kamay na papel,
burdado ng putol na mensahe:

pinagmamasdan ko kayo, kamangha

nakatatak sa mga titik na sinulid,
ang usad-hinto at likot ng bus
na ipinaubaya ko sa pag-idlip.

ilang minuto rin akong naligo sa usok
ng mga rumaragasang sasakyan;
nakatitig sa likhang-kamay na papel

na may sulsi
ng liko-likong
itim
na sinulid.

pilantik ng twang


kahapon,
sa tindi ng aking gutom
napilitan akong magwaldas ng yaman
sa isang fast food resto
na iika-ika ang serbisyo.

habang nginangatngat ako ng inip,
humaplit sa aking tainga
ang pilantikan ng Ingles
sa kalapit kong mesa.

pinisil-pisil ko ang aking mga braso,
sinilip sa kintab ng kutsara ang aking mukha,
ulo’y ipinilig-pilig; hindi, hindi ako nanaginip,
nasa Pilipinas ako, wala sa US.

sabi ko na lamang sa aking sarili,
siguro mga bisitang langyaw ang naghuhuntahan.

pero muling nagpamalas ng gilas ang aking memorya:
ang inakala kong mga dayuhan
dati kong mga estudyante
sa Sining ng Pakikipagtalastasan.

puwedeng pakiulit?


tumango siya nang ilahad ng guro
ang layunin ng aralin,
umiling nang usisain ang lipunang patriyarkal.

nanlaki ang mata nang marinig
na sa ibang panig ng daigdig,
ang babae tinatahi ang puke,
pinupunggil ang tinggil.

kumunot ang noo nang sabihin ng kaklase
na bihag ng lalake ang katawan at tinig ng babae.

konsentrado ang kanyang pakikinig,
napapamulagat, napapapikit
habang rumaragasa sa bibig ng guro
ang mga bersikulo sa bibliya,
ang mga talatang nagbibigay-katuwiran
sa pagmumuryot at karpitso ni Adan.

nahikayat naman ang guro
sa napansing reaksyon ng estudyante
kaya tinawag: meron ka bang tanong,
o gustong ibahagi o gustong linawin?

parang bagong gising na naamlimpungatan,
kinuskos ng estudyante ang kanyang mga mata,

a, e, ako po ba ser? ano pong sabi nyo?
pasensya na po, puwede pong pakiulit?

meron bang tanong?


malayang magpahayag
o kumontra ang bawat isa --

ser, sabat ng isang estudyanteng
parang tuyong dahong sinilaban
sa sinabi ng guro,

di po ako sang-ayon na may kinalaman
sa transformasyon ng lipun --

bulateng lumikaw-likaw ang kilay ni prof,
opinyon mo lang ‘yan – sabi niya,
sabay sungkit sa langit ang kanyang hintuturo,
parang paring nagsesermon sa katedral:

pero ang iyo hindi totoo sa lahat,
at kung ganon, bakit mo ipapataw sa kabuuan
ang sarili mong haka-haka at palagay?

habang naghahasik ng laway,
lumakad-lakad si prof,
dumagundong sa pader at kisame
ang halakhak ng takong ng sapatos niyang katad.

at dapat nakasandig sa ebidensya
ang iyong sapantaha;
walang puwang sa klase
ang kalangkang ng latang walang laman.

ngumiti si prof, labas ang gilagid,
pero ang mga mata, nanlilisik:
meron pa bang tanong?
meron pa bang dagdag?

class dismiss


sermon ng profesor:

tanggap sa aking klase ang lahat ng opinyon
pagkat ang edukasyon ay isang dayalog
isang proseso ng palitan ng kaalaman at kasanayan
sa pagitan ng titser at estudyante
kaya walang puwang sa klase ang pagsasawalang-kibo
at may karapatan ang lahat na mag-usisa at sumalungat
sa ganyan lamang makakamit
ang hinahangad nating karunungan
at isa pa ito ang esensya ng demokrasya.
kung saan malaya ang bawat isa --

habang ang mga estudyante
alumpihit ang mga puwet
pinupulikat ang mga hita
umuugong ang mga tainga
nanunutong ang mga laway
at bugok na ang mga tanong.

kumalembang ang kampana
at natapos ang isang siglong misa:

class dismiss, sabi ng profesor
sabay pahid ng palad
sa labing namumutiktik sa bula.

ratsada ni ser


noong panahon namin,
ratsada ng naka-antiparang profesor
na naglalagas na ang balbas.

wala kaming inaaksaya,
hindi namin pinalalampas
ultimong pinagbalutan ng tinapa.

ngayon daw sabi ng profesor,
dahil sa celfon, internet, at tv
tamad nang magbasa ang mga estudyante.

at ipinagdikdikan niya ang kanyang mantra:
ang panitikan bilang salamin ng buhay,
ang pagbabasa bilang bagwis ng pagtuklas.

ser, pasok ng isang bibang estudyante,
nabasa nyo na po ba yung Angels and Demons? negatib.
e ‘yung ano po, yung Matilda ni Roald Dahl? negatib.
e ‘yon pong ABNKKBSNPLA AKO ni Bob Ong?

nagsalubong ang kilay ng profesor:
‘yan ang hirap sa inyo,
kung ano-anong binabasa ninyo!

di gawang biro ang magturo


binulatlat ng isang estudyante sa klase
ang tulang “May bagyo ma’t may rilim”
gamit ang sabi niyang teorya ni Marx.

napanganga ang mga kaeskuwela sa pagtataka,
may ganon palang hayop sa ating planeta!
may mga tumalungko sa bangko,
tila may lintang sisipsip ng dugo
sa makikinis nilang sakong at binti.

meron ding napangiwi,
mga tainga’y nagsitiklop; ang isa nga,
nalukot ang mukha sa pagkakapikit,
kumibot-kibot ang labi, taimtim na pinindot-pindot
ng hinlalake niyang may pulang talulot
ang kumikintab na singsing-rosaryong pilak.

samantala sa likod,
tila bumabalasa ng baraha
ang mga daliring dumadalirot
sa nutnot na math ni Leithold.

isang estudyanteng tila lente ang antipara
ang bumulabog sa aking pagmamasid --

ser, opium talaga ang relihiyon,
pero di magtatagal, pag nagwagi ang uring api
laban sa burgesya-komprador at higanteng kapitalista
at imperyalistang Estados Unidos,
mawawala na rin ang mga pamahiin.

bigla akong napaliyad,
parang sinundot ng pakpak ng manok
ang aking kuyukot;
di ko tuloy napigilan ang pagsirit
ng basang init
na sumanib sa lagnat
ng kulaning sa singit ko’y ngumangatngat.

silang mga nakikiraan

     kailan lamang
di siya mapakali sa kanyang bangko,
nangangatuwiran, nagtatanong
kumukumpas, umiiling, tumatango;

ngayon, magiting siyang manananggol
ng isang dayuhang dambuhalang korporasyon.

kailan lamang
lagi siyang laman ng aking kuwarto,
namamalimos ng komento at basbas
sa kanyang mga tula at kuwento;

ngayon, kumikislap ang kanyang pangalan,
karugtong ng dulang dinudumog sa telebisyon.

kailan lamang
halos humiga at humilik siya sa klase,
paano'y magdamag niyang binutingting
bangkay ng pusang ibinabad sa pormalin;

ngayon, de-kalidad na siyang doktor,
walang mintis ang pangarap sa sahod na dolyar.

kailan lamang
halos di ko matandaan kanyang itsura;
paano’y pumapasok lamang pag may eksam,
laging nasa pulong, nasa piket, nasa rali;

ngayon, bukambibig siya ng madla at midya,
tinutugis ng mga berdugo ng kalayaan at hustisya.

kayraming patibong


kumikislap at bumubuga ng pulbura
bawat bagay na mahagip
ng kanyang tinig,
walang gatol kung siya'y magtalumpati
tungkol sa tunggalian ng mga uri.

at, oo, hindi siya aktibistang kapit-bangko
na walang inatupag kundi ang ngumawa;
bawat masagap niyang inhustisya't tiwali
walang gatol na pagtutol ang kanyang sukli.

ni minsan hindi siya lumiban sa mga pagkilos
sa loob at labas ng kampus;
maka-tres, maka-singko, walang kaso;
malinaw ang kanyang prinsipyo:
iskolar ng bayan, laan ang buhay sa sambayanan.

kaytalas ng kanyang utak at bibig,
nahihimay ang salimuot ng suliraning pandaigdig;
kahit ako na kanyang guro, talagang yumuyukod
sa kanyang galing, tapang, at komitment.

pero tama siya,
kaydaming patibong ng imperyalismo,
(kahit sinentensyahan nang naghihingalo
ng isang pantas na Ruso)
kayhusay nitong dumiskarte,
kaygaling magbalat-kayo;

ang iskolar na sukdol-langit ang poot sa kapital
nasa call center ngayon, binabarat na kalakal.

sinisilip ko ang mga titis


walang pasubali,
hindi magkakaila ang kanilang mga mata,
lumatay sa kanilang mga utak
ang aking hagupit.

sa simula ng klase
iwinasiwas ko ang lipunang tatsulok,
ang hulagway ng sanlaksang himutok
ng masang anakpawis,
at ang langit ng uring nasa tuktok.

isang tula ang simula,
isang tula tungkol sa pagkatuyo ng luha
ang naghatid sa amin sa iba't ibang daigdig --
bukid at pabrika, malakanyang at konggreso,
simbahan at paaralan, radyo at diaryo,
telebisyon at internet, kulungan at korte,
barberya at karinderya, palengke at mall,
ospital at punerarya, kuna at kamposanto.

ginalugad namin
ang iba't ibang larangan ng tunggalian,
niyakap ng aming mga talampakan
ang dawag, putik, at alikabok;
pinalis ang agiw at sapot sa aming mga utak,
pinahid ang aming mga luha at muta.

ramdam ko rindido sila,
dinig ko ang pintig ng kanilang dibdib:

ti-gib ti-gib ti-gib,
pintig na tigib ng poot at paglilingkod,
halos paampon sa hamog ng bundok.
minsan, nag-organisa sila
ng isang kilos-protesta
laban sa pagtaas ng matrikula,
laban sa pagbawal sa mga maralitang bendor
na magtinda sa kampus.
inimbita nila akong magsalita,
kailangang-kailangan daw na marinig
ang taginting ng aking tinig.

biglang kumalog ang aking tuhod
at kumaripas pauwi ang diwa.
agad kong kinapkap ang impis na pitaka;
at kumalmot sa gunita
ang bagsik ng kalam ng sariling sikmura.

palusot ko: di ko na matanggihan
ang naunang komitment,
babawi ako sa susunod,

sa araw ng itinakdang pagtitipon,
naroon ang mga dibdib na aking pinag-apoy;
habang ako na kanilang inspirasyon,
nakasuksok sa isang sulok,
sinisilip ang mga titis
ng sinilaban kong siga,

nakasuksok sa isang sulok,
nangangaligkig ang gulugod.

klasrum


gumagawa tayo ng siga,
ang mga sangang bitbit ng bawat isa
isinasalansan natin at sinisilaban
upang salagin ang siplag ng lamig.

inuumpisahan ko ang pagkiskis ng palito
sa ilang tuyong dahon at siit,
at mula sa mumunting daliri ng apoy
sumisiklab ang ating siga.

sa salansan ng mga sanga,
may saleng na kaybilis lumiyab;
may mulawing lumalagitik
at kaylinis ng lagablab;
may kamagong na kaytatag ng baga,
patuloy na nag-aalab kahit abo na ang iba.

pero mayroon ding madre cacao
na balantukan at makurop,
ayaw magningas, kaykapal ng usok.

ano mang sanga ang bitbit ng bawat isa,
masinop nating isinasalansan;
batid ang isang bagay na dapat tiyakin:

kailangan ang sapat na puwang
upang makapaglagos ang sariwang hangin.

ugat at pakpak


Marami sa inyo ang nakikiraan lamang
o pinilit na makiraan,
marami sa inyo ang kung may pagpipilian,
di na sisilip sa aking silid.

Bakit nga ba naman mag-aaksaya ng oras
sa kursong Filipino,
gayong hindi ito makapaghahatid 
ng masaganang hapag?

Para saan? 
Anong gamit ng pagkapit
sa sariling ang puwang ng pag-unlad 
singkipot ng butil ng alikabok?

Ngunit ano man ang nagtulak
sa iyong pagpasok sa aking silid,
pinilit ka man o nayaya
o nais lamang sumubok,

ihanda na rin ang sarili:
babalik tayo sa panahong kababalaghan pa ang apoy,
sisilip sa mundong simbilis ng liwanag 
ang paglalakbay,
at dadamhin ang init ng lupang
tinutuntungan natin ngayon.

Buksan na rin ang dibdib
sa himig ng sariling dila,
ng sariling panaghoy,
ng sariling adhika, 
ng sariling panaginip.

Buksan na rin ang ilong 
sa alingasaw ng sariling dumi,
ng sariling hininga, 
ng sariling pagkaagnas.

Ngunit higit sa lahat: 
ihanda ang kaluluwa
sa pagtubo at pagtibay
ng sariling ugat at pakpak.




pakiusap


hindi ako diyos o isang propeta
gaya ng iyong akala;
hindi rin henyo o piniling pinagpala.

katulad lamang ako
ng ordinaryo mong kaaway o kakampi --
kumakalam ang sikmura,
natatakot, napopoot, nagnanasa;
at may batik din sa utak.

itong hinahangaan mong talino?
kung alam mo lamang ang sinulingan
bago ko ito natamo.

nagmula rin ako sa putik,
at tulad mo, sumasagap ang aking talampakan
at bumbunan
ng init at lamig ng ating daigdig.

dalaga sa aking harap,
nagagalak ako sa pakikinig mong walang kurap
sa lagaslas ng talinghaga mula sa aking bibig;
at salamat sa pagbukas ng iyong puso at isip.

pero tandaan: hindi ako isang propeta o diyos;
at kahit bawat hakbang ko’y pasan na ng tungkod,
rumaragasa pa rin sa aking mga ugat
ang sidhi ng nasang sumisid sa langit.

kaya dalaga sa aking harap, pakiusap:
isinop ang iyong dibdib
ipinid ang mga tuhod.


Thursday, October 25, 2007

sa memory ng bat cave[1]


(pasintabi kay rolando tinio, promotor ng ganitong poetry)


maulan ngayong first day ng sembreak
nakakapit sa curtain ng window
ang lamig ng forest.
naka-embrace ako sa aking knees,
pini-peep ang moss sa branch ng acacia
na naka-canopy sa aming apartment,

parang hair 'yong moss pero di nagmu-move,
di nagsu-sway sa dance ng leaves.

di tulad ng ating hair
na nagi-scatter sa bawat corner ng classroom
pag nabo-blow ng air mula sa electric fan
na puno ng rust at dust at cobweb.

ayaw mag-stop ng ulan
ngayong first day ng sembreak,
ina-attack ako ng memories
ng inyong mga poems at stories,
ng inyong smiles at pangungulit.

(sus! kahirap i-parry ng sama ng loob
na sini-send ng nagka-curve nyong eyebrows
everytime na iri-return kong red na red
ang inyong mga writing assignment.)

at yes, right now napi-prick ang aking conscience
(parang wound sa armpit na naka-soak sa sweat)
ng pag-condemn nyo sa pagdukot, sa pag-salvage
sa mga kababayang nagdi-defend ng human rights.

true, sing-silent ng moss ang inyong pagdating
pero sing-sure din ng pag-stick nito sa branch
ang pag-capture nyo sa aking imagination --

so, walang space para sa sadness
kahit maulan ang first day ng sembreak.






[1]
bat cave – tawag ng mga estudyante sa room hb5 sa silong ng old humanities building sa uplb