nasusunog ang mga inbox. walang patawad
ang apoy, dinidilaan kahit sagradong sandali
ng sabbath.
anong lunas sa lalim at lawak
ng desperasyon?
nagliliyab ang sidhi ng pagkapit
sa prerog*,
naglalagabab ang pag-asa
at pag-asam na may sulok pang
masisiksikan sa umaapaw nang klasrum.
nanliligalig ang multo ng tinanggihang
mga hiling at pagsusumamo – walang mukha,
pawang salita ngunit pantig-pantig
na pumipintig; kumukurot sa puso.
---
* prerog – teacher’s prerogative; karapatan ng titser na tumanggap ng estudyanteng wala sa orihinal na listahan ng klase; ginagamit ng estudyante para madagdagan ang ini-enrol niyang yunit.