Mula sa pagbubudbod ng binhi
hanggang sa pagsisilid sa buriki,
inaruga namin ni Inang
ang bawat sibuyas;
pero sa bodega ng kapitalista,
parang grabang isinaburayray[1]
sa semento ang aming ani.
Hinalukay, iwinasit[2] ang mga pikils,
bulugan, obersays, at burlis[3]
na isiningit daw namin sa mga gud[4].
Tila hinigop
ng tagibang na timbangan
ang humumpak naming mga buriki.
Nanikip ang aking lalamunan,
Kumalog ang aking tuhod –
Ibig sumirit ng dugo
sa mga daliri ni Inang;
halos madurog sa kanyang palad
ang puluhan ng sakbat niyang gulok.
[1] ikinalat; isinabog
[2] pabalagbag na iniitsa sa tabi
[3] pikils - maliit na sibuyas; bulugan - sibuyas na parihaba o hugis-titi; obersays- malalaking sibuyas; burlis - sibuyas na walang balat. reject ang generic na tawag sa mga ito.
[4] mula sa Ingles na good, sibuyas na katamtaman ang laki; klase ng sibuyas na karaniwang hinahanap ng mamimili.