iningusan niya ang sangsang
ng baha – dugong hangga ngayon
hindi pa nahihigop ng lupa.
ilang katawan nga ba ang bumagsak
sa gilid ng daan, sa sulok ng eskinita,
sa dilim ng damuhan?
sa puso ng giray na barung-barong?
gahiblang galos lamang sa kaniyang gunita
ang talaksan ng taumbayang tinokhang.
mala-katad ang manhid niyang budhi –
alingasaw lamang sila sa hayahay
ng kaniyang buhay, sa ginhawa ng paghinga.
iningusan niya ang tambak ng bangkay.
bakit naman papansinin? ang latay ng lagim
lupa’t langit ang agwat sa kaniyang hardin.
iningusan niya dahil ang lupit ng salot
bangungot na nakadikit sa pilik ng salat,
nakayakap sa dahop. malayo sa kaniya.
pero kaiba ngayon. kailangang bumangon,
luminga, lumingap. laganap, nanliligalig
ang lagalag na mikrobyo. walang patawad.
nayayanig ang payapa niyang daigdig; nagbabahay-
bahay ang covid, sinusungkit ang kandado
ng kapanatagan ng pinid niyang silid.