Thursday, August 31, 2023

stay home


tiwangwang ang bintana, 
tila bunganga ng dambuhalang 
pugon.      pabugso-bugso 

ang buga ng tigang na hangin – 

gumugulong sa sahig,
gumagapang sa dingding,
umuukyabit sa kisame. 

sinisilaban 

ang sibol ng sibuyas
sa pasong pasan ng pasamano.
kumukulot, lumulukot 

ang dulo ng mga dahon.

dahan-dahan, dumadausdos
ang putla, unti-unting nauupos.
mistulang mitsa ng kandila –

inaabo ng liyab.