Thursday, August 31, 2023

lock down


bulaklak ng kaniyang dila
ang Oratio Imperata 
kontra-COVID,  dinidilig

ng dasal bawat inbox
ng kaibigan,  bawat wall
na mahagip niya sa kalawakan.

pagpitada ng pandemika,  agad
dumighay, lumungad sa busog
bodega niya ng pagkain at gamot;

nagkulong sa silid, nagtalukbong
linanghap, tiniis ang alingasaw
ng sariling anghit at halitosis.

ikinandado – selyado ang bulsa
walang makadungaw kahit barya,
maging sinag at simoy, hindi makatagos;

habang bumubulwak sa kaniyang facebook
nag-aalab na hashtag at post: Mabuhay
mga bayaning taus-pusong naglilingkod!