Hindi, hindi COVID ang tunay na salarin;
Damhin ang pulso ng bayang nakaratay,
Kumpas ng kapital ang pagkalat ng lagim.
Kawal na sumuong sa digmaang kaydilim,
Layuning magligtas; katawa’y humandusay.
Hindi, hindi COVID ang tunay na salarin.
Pag-ibig sa kap’wa – higit pa sa tungkulin –
Ang sandata; ngunit dusta ang Tanggulan.
Kumpas ng kapital ang pagkalat ng lagim.
Sumunod sa batas! Sagrado ang k’warantin!
Paano ang gutom? Ang walang masilungan?
Hindi, hindi COVID ang tunay na salarin.
Habang ang hikahos dinadahas; may piging
trapolistang ganid, bodega’y dumidighay.
Kumpas ng kapital ang pagkalat ng lagim.
Diklap ng pag-asa pagkapit sa patalim
Ng namuong poot; mulat ang sambayanan –
Hindi, hindi COVID ang tunay na salarin,
Kumpas ng kapital ang pagkalat ng lagim.
(Pakinggan bilang awit. Musika ng: