Saturday, August 26, 2023

karimlan



Wala. Walang binatbat ang babala 
ng pusang itim.  Walang nakapigil 
sa mga Diwata at Bathala.  Tuloy
ang piging! Papuri sa kaitaasan – 

Dantaong Konsumisyon.

Tuloy rin ang paglalakbay 
at pagsamyo nila ng hamog sa Hilaga.

Huwag kukurap, kilatisin ang larawan: 
bantay-sarado man ng N95 
ang mukha ng mga Diwata at Bathala, 

bakas pa rin ang kanilang tuwa,
ang abot-tengang ngiti habang nilalanghap
ang sariling hininga – taas-noong 

testimonya ng tenasidad ng budhi
laban sa ignoransya ng pamahiin.

Habang sa nayon ng alimuom, 
sa laylayan ng bundok-Makiling, 
ulanin-arawin ang mga aninong 
ikinukubli sa dilim.   

May nakabalot ng kamiseta ang mukha, 
may nakatakip ng nutnot na panyo 
ang bibig at ilong, may nakasuot ng kupas

na facemask – halos di makagulapay 
sa paghahanda para sa hayahay na pag-uwi 
ng mga nagbakasyong Diwata at Bathala.