Hindi lamang funeraria ang nabubuhay
sa patay. Basahin ang krokis ng sagradong
daloy ng abuloy – bayad-dasal hanggang
sa pa-siyam;
at sa tanggapan ng tagapagligtas ng kaluluwa,
pakinggan ang sigla ng kaluskusan
ng mga resibo at papeles –
bayad-misa – P1,300 (baligtarin ang resibo,
nakasulat doon ang para sa mga tutugtog – P300;
para sa opertoryo, listahan ng mga alay –
pumpon ng bulaklak, basket ng prutas,
kandila, alak, at limang puting sobre
(bukod pa ito sa makokolekta sa buslong
iduduldol sa mga nagluluksa).
At wala pa rito ang bayad sa lupang
paglilibingan sa sementeryo.
Habang hinihimay ang gastusin, huminga
nang malalim, pagnilayan ang himig
na bumubukal sa bibig ng tagapagligtas
ng kaluluwa:
“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat
na nahihirapan at nabibigatan sa inyong pasanin,
at bibigyan ko kayo ng kapahingahan.”
Amen.