Palutang-lutang sa hanging
ibinubuga ng electric fan
ang laso ng balumbon ng bulaklak
mula sa isang trapo.
Gusto ko sanang magpaanod
sa alon ng tanawing iyon,
upang makahinga, kahit saglit,
sa salimuot ng palaisipang
iniwan ng pinaslang na kapatid --
Sa bayang pinuputol ang matatabil na dila,
sino ang magtatangka sa tagapagsalaysay
ng sugilanon ng mga dukha?
Bago malunod sa balon ng pagninilay,
nalusaw ang balumbon ng bulaklak
at sinagip ng kalansing sa garapon
ang aking malay. Patak-patak ng sensilyo
mula sa kalyuhing mga palad --
kaingenero, mag-uuling, magyayantok,
maglalala ng sawali, mga katutubo – lahat silang
ang kinabuhi nakahabi sa sugilanon ng pakigbisog
ng pinaslang na tagapagsalaysay.
Unti-unting napuno ang garapon, naglaho ang kalansing --
bawat patak ng halad, singtunog ng yapak ng paa sa lupa.
Nahulog sa salamin ng kabaong ang huling sensilyo,
mantsado ng pawis at putik. Dahan-dahan,
hinigop ito ng dibdib ng tagapagsalaysay.