Tuesday, August 29, 2023

face mask


lumilikas ang langkay 
ng langaylangayan,
halos humalik 
sa dahon ng talahib 
ang kanilang paglutang.

sa lilim ng sumisisid nilang anino –
gulanit na guryon,  nakasalampat
sa bangas na bungo ng ulilang burol; 
nangungulila sa lagaslas ng tuwa 
at tinis ng sipol – dating kalarong

musmos, pumapasok na sa eskuwela.
ang matabil niyang dila, kinukubkob,
kinukulob ng face mask.