Wednesday, December 15, 2010

mga titik na sinulid


pagkaraan ng limang taon,
ng iglap na engkuwentro namin sa klase,
nakasakay ko sa bus
ang dati kong estudyante.

agad kong binalikan,
inisa-isa ang mga mukha
ng mga nakasalamuhang tumatak sa diwa;
hindi ko maipirmis ang kanyang hulagway,
hindi ko mahagilap ang kanyang gunita.

'musta na po kayo?,

nakangiti niyang bati,
lampas-balikat
ang kulay kalawang niyang buhok.

ayos naman,

ang di ko pinag-isipang sagot.

lumampas siya;
at nakahinga ako nang maluwag.
di maikakaila ng hikab ang aking puyat
at gusto kong umidlip;

gusto kong samantalahin ang sandali
na walang nambubulahaw na anak,
o gripong tumatagas,
o ilaw na dapat patayin;
na walang kakatok para mamalimos
o magtinda ng diyos.

pagdating sa istasyon ng Magallanes,
agad akong tumayo
at tila palos na kumiwal-kiwal
sa pagitan ng mga balakang at puwet
ng mga nakahambalang na pasahero.

di ko pinansin, may bumulyaw-bulong
sa aking pangalan;
ipinagpatuloy ko ang pagmamadali,
ang pakikipagsiksikan palabas,
pababa ng bus. sumunod ang boses --

ser hintay po,

iniabot sa akin
ng babaeng kulay kalawang ang buhok
ang isang likhang-kamay na papel,
burdado ng putol na mensahe:

pinagmamasdan ko kayo, kamangha

nakatatak sa mga titik na sinulid,
ang usad-hinto at likot ng bus
na ipinaubaya ko sa pag-idlip.

ilang minuto rin akong naligo sa usok
ng mga rumaragasang sasakyan;
nakatitig sa likhang-kamay na papel

na may sulsi
ng liko-likong
itim
na sinulid.