Marami sa inyo ang nakikiraan lamang
o pinilit na makiraan,
marami sa inyo ang kung may pagpipilian,
di na sisilip sa aking silid.
Bakit nga ba naman mag-aaksaya ng oras
sa kursong Filipino,
gayong hindi ito makapaghahatid
ng masaganang hapag?
Para saan?
Anong gamit ng pagkapit
sa sariling ang puwang ng pag-unlad
singkipot ng butil ng alikabok?
Ngunit ano man ang nagtulak
sa iyong pagpasok sa aking silid,
pinilit ka man o nayaya
o nais lamang sumubok,
ihanda na rin ang sarili:
babalik tayo sa panahong kababalaghan pa ang apoy,
sisilip sa mundong simbilis ng liwanag
ang paglalakbay,
at dadamhin ang init ng lupang
tinutuntungan natin ngayon.
Buksan na rin ang dibdib
sa himig ng sariling dila,
ng sariling panaghoy,
ng sariling adhika,
ng sariling panaginip.
Buksan na rin ang ilong
sa alingasaw ng sariling dumi,
ng sariling hininga,
ng sariling pagkaagnas.
Ngunit higit sa lahat:
ihanda ang kaluluwa
sa pagtubo at pagtibay
ng sariling ugat at pakpak.