ang mga sangang bitbit ng bawat isa
isinasalansan natin at sinisilaban
upang salagin ang siplag ng lamig.
inuumpisahan ko ang pagkiskis ng palito
sa ilang tuyong dahon at siit,
at mula sa mumunting daliri ng apoy
sumisiklab ang ating siga.
sa salansan ng mga sanga,
may saleng na kaybilis lumiyab;
may mulawing lumalagitik
at kaylinis ng lagablab;
may kamagong na kaytatag ng baga,
patuloy na nag-aalab kahit abo na ang iba.
pero mayroon ding madre cacao
na balantukan at makurop,
ayaw magningas, kaykapal ng usok.
ano mang sanga ang bitbit ng bawat isa,
masinop nating isinasalansan;
batid ang isang bagay na dapat tiyakin:
kailangan ang sapat na puwang
upang makapaglagos ang sariwang hangin.