Wednesday, December 15, 2010

sinisilip ko ang mga titis


walang pasubali,
hindi magkakaila ang kanilang mga mata,
lumatay sa kanilang mga utak
ang aking hagupit.

sa simula ng klase
iwinasiwas ko ang lipunang tatsulok,
ang hulagway ng sanlaksang himutok
ng masang anakpawis,
at ang langit ng uring nasa tuktok.

isang tula ang simula,
isang tula tungkol sa pagkatuyo ng luha
ang naghatid sa amin sa iba't ibang daigdig --
bukid at pabrika, malakanyang at konggreso,
simbahan at paaralan, radyo at diaryo,
telebisyon at internet, kulungan at korte,
barberya at karinderya, palengke at mall,
ospital at punerarya, kuna at kamposanto.

ginalugad namin
ang iba't ibang larangan ng tunggalian,
niyakap ng aming mga talampakan
ang dawag, putik, at alikabok;
pinalis ang agiw at sapot sa aming mga utak,
pinahid ang aming mga luha at muta.

ramdam ko rindido sila,
dinig ko ang pintig ng kanilang dibdib:

ti-gib ti-gib ti-gib,
pintig na tigib ng poot at paglilingkod,
halos paampon sa hamog ng bundok.
minsan, nag-organisa sila
ng isang kilos-protesta
laban sa pagtaas ng matrikula,
laban sa pagbawal sa mga maralitang bendor
na magtinda sa kampus.
inimbita nila akong magsalita,
kailangang-kailangan daw na marinig
ang taginting ng aking tinig.

biglang kumalog ang aking tuhod
at kumaripas pauwi ang diwa.
agad kong kinapkap ang impis na pitaka;
at kumalmot sa gunita
ang bagsik ng kalam ng sariling sikmura.

palusot ko: di ko na matanggihan
ang naunang komitment,
babawi ako sa susunod,

sa araw ng itinakdang pagtitipon,
naroon ang mga dibdib na aking pinag-apoy;
habang ako na kanilang inspirasyon,
nakasuksok sa isang sulok,
sinisilip ang mga titis
ng sinilaban kong siga,

nakasuksok sa isang sulok,
nangangaligkig ang gulugod.