Saturday, December 11, 2010

may tanghali kayang sa saplok ng alon ay magbabalikwas?


(sa mga kabataan ng Pantabangan)


Nilamon na ng mga alon ang malawak na kaparangan –
ang larangan na nagpatibay sa ating mga murang tuhod,
napugnaw na ang mga hamog na yumayakap sa damuhang
sa ating mga talampaka’y kumikiliti, pumupupog.

Malamig na at nilulumot ang naulilang mga patpat
na ipinangtutugis natin sa mga tutubi't tipaklong,
wala nang bagting ng sapot na sa kadawaga'y nagsalabat –
krokis na tagapagturo sa mga gagambang nagkakanlong.

Nagsitakas na sa pandinig matitinis na hagikhikang
kalaro ng tulirong isip at kasiping ng pagal na dibdib,
wala nang makikipagsayaw sa tanglaw ng bitui't buwan
wala na, wala nang iindak sa tugtog ng mga kuliglig.

Ay! sa paglabusaw na ito sa halumigmig ng pangarap
may umaga kayang sa saplok ng alon ay magbabalikwas?