Saturday, December 11, 2010

nambubulaga na ang mga bulalakaw


Tuwing gapasan,
sinusuyod namin ni Inang
ang mga pinitak na dinaanan
ng mga manggagapas.

Kilik ni Inang ang kanyang bakol,
nakasakbat naman sa aking baywang
ang maliit na buslong gawa sa sako.

Sinusuklay ng aming mga daliri
ang mga bumagsak na uhay
na may nakakapit pang mga butil;
mga uhay na nakaligtas sa ngipin ng gapas;
mga uhay na sadyang iniwan ng manggagapas
para sa tulad ni Inang na walang sariling saka.

Mga manok kaming bihasa
sa pagkahig at pagtuka
ng mga butil na humalik sa lupa.

Magsisimula kaming
singnipis pa lamang ng uhay
ang guhit ng liwanag sa tuktok ng burol;

matatapos kaming nambubulaga na
ang mga bulalakaw.