nakapamintana si Tatang,
sapo ang pisnging nakatanaw
sa katapat naming gulod.
Nagniningas ang kanyang mga mata
habang hinihintay ang paglitaw
ng santelmo – isang bolang apoy
na supling ng takipsilim,
tila turumpong tumatarang
bago tuluyang sumiksik at maglaho
sa agnas na ugat ng patay na puno
ng Sampalok.
Hindi ko kailanman nakita
ang santelmo, pero napaso ako
sa taglay nitong init na sumisirit
sa mga titig at kuwento ni Tatang.
Sigurado ang mga signos.
May nakabaong kayamanan
sa nilulubugan ng santelmo.
Doon sa umbok na ayaw tubuan
ng damo. Doon sa pinaglahuan
ng kuyog na hindi malaman
kung saan nagmula.
Doon sa tinutumbok ng siko
ng kaisa-isang sanga ng Sampalok.
"Ano ang kapalit?"
Angil ng gulok na itinatagis
sa buhay na bato ang tanong ni Inang.
Habang yapos niya ako nang buong higpit,
habang nililiglig ng balud ang kanyang dibdib.
Hindi ko kailanman nakita ang santelmo,
pero naaninag ko ang pagsinghap
ng huling kislap nito sa mga mata ni Tatang.
Takipsilim noon. Sa tanglaw
ng aandap-andap na tinghoy,
nadatnan namin siyang nakabulagta
Tutop ang dibdib,
kaakbay ng huling hagok ang espiritu
ng sioktong – kasanggang hindi kailanman
nakapaghatid sa kanya sa gulod,
upang maghukay at ilibing ang latigo ng dalitang
lumalatay sa aming bituka’t balintataw.