Wednesday, November 04, 2009

sulyap sa bayang nilamon ng alon


Bakasyon noon, may mga sugong
dumating sa bahay mula sa Malakanyang.
Ginusot ng isa sa kanila ang aking buhok,
at kinamayan nila si Tatang at si Inang

Hibla ng ginto ang kanilang laway at pangako –
Namilog ang mata ni Tatang,
Natunaw ang puso ni Inang

Mula noon, umukyabit na sa hangin,
at naging bulaklak ng bawat umpukan
ang papuri sa bayang handa raw lunurin
ang sarili, makahinga lamang nang maginhawa
ang mas nakararami.

Umatungal ang mga makina,
nagtugisan ang mga higanteng trak,
binungkal ang kalsada at kinutkot ang ilog,
ibinulagta ng mga umaangil na lagare
ang mga mangga at santol,
sinuwag ng buldoser ang mga bakod at pader.

Tinibag ang mga nitso, hinalungkat
ang mga kalansay at inilipat
sa mga kahong playwud.

Tila sawang gumapang ang tubig-dam.
Sinagpang ang mga pampang,
nilingkis ang mga bakuran at bukirin,
ang mga gulod at gilid ng ilog.
ang bawat burol, bundok, bangin.

Kumislap ang pangarap sa palatak at sulyap
ni Tatang at ni Inang.

Habang ako at si Manong nakamasid
sa pagsinghap ng mga kalsadang
pumasan sa aming pangarap,

nangingilid ang luhang nakatunghay
sa pagkagunaw ng aming mga halakhak.