ang kapiling namin ni Inang
tuwing bakasyon.
Sa tabi nito,
naglalatag kami
ng tarapal na gawa
sa pinagtagpi-tagping sako.
Habang ang mga luray na uhay
ay humahangos paimbulog,
umiindak sa hangin pababa,
at nagiging mandala
na tila pusod ng lupa;
parang pulubi kaming
nakasahod ang palad,
sinasambot ang mga mumong
tumatalsik mula sa bumubugang
tumbong ng tilyadora.
At habang gumuguhit sa aking leeg
ang alikabok at gilik,
walang patlang ang aking pag-asam:
Maging singtaas sana ng mandala
ang mga butil na pumapatak
sa aming tarapal, sa aming palad.