Wednesday, November 04, 2009

awa ng kapit-bahay


Wala kaming bigas noon,
wala ni asin;

Pero hinugasan pa rin ni Inang
ang malinis na naming kaldero.

Napansin kong mas madiin
ang tila walang direksyong
pagkaskas niya ng abo
sa paligid nito –

nakatutulig ang taginting
na nagtatagisang takip
at bunganga ng kalderong
sinadya yata niyang pag-umpugin.

Mayamaya’y inutusan ako ni inang
na humingi ng kapirasong dupungan
sa hindi niya kakibuang kapitbahay.
(Gayong meron naman kaming posporo.)

Wala kaming bigas noon, wala ni asin
pero nagparingas pa rin ng kalan si Inang.

Dati sa isang ihip lamang niya,
maririnig ko na ang hagikhik ng apoy;
pero noong araw na iyon
wala akong nasilip ni katiting na baga,
kahit sinusuob na ng usok
ang bawat sulok ng aming kubo.
(at bakit nga ba sariwang daho’t sanga
ng madre cacao ang ipinanggatong niya?).

Saka ko na lamang malalaman
kung bakit ginawa iyon ni inang –

nais niyang salagin ang sagpang
ng mas mabagsik pa kaysa gutom
na awa ng aming kapitbahay.