at tila walang katapusan ang aking paghihintay.
Bawat araw dapit-hapon ng pagdungaw at pagtanaw sa kawalan;
bawat dapit-hapon pagkapit sa humuhulas na mga gunita.
Pitong taon, pitong taon ng paghihintay sa kagubatan ng pag-iisa –
nagsasalimbayan ang mga agam-agam at pangitain;
nagbubuhul-buhol ang tilaok ng manok at taghoy ng kuliglig;
nalulusaw ang lahat ng mapa at krokis,
sumasanib sa halumigmig na nakayakap
sa nangangaligkig na mga sanga at dahon;
nababasag ang silahis ng liwanag
sa bawat paghugot ng buntong-hininga.
Paano iindahin ang mga kudlit ng durog na bubog
na ihinahaplit ng inip sa tumatangis na kisame at dingding?
Paano sasalagin ang sikdo ng bigong pag-asam
na bitbit ng bawat aninong maaninag,
ng bawat kaluskos na maulinig?
Nakasalampat ako sa isang higanteng sapot ng panaghoy,
poot, kamatayan, at pag-asa – nag-uumpugan ang pagluluksa,
ningas ng kandila, banderitas, ginisang bawang at sibuyas,
formalin, pintura, kolostrum, pusod, bumbunan, lampin
litrato ng pamilya, katibayan ng bautismo, diploma sa kolehiyo,
kombatsyus, batuta.
Manhid na ang aking mga daliri sa walang patlang na pagkatok
at pagmamakaawa sa bawat tarangkahan, sa bawat pinto –
kampo ng sundalo, kulungan, detatsment, opisina ng pulisya,
komisyon ng karapatang pantao, telebisyon, radyo, diaryo;
puso ng mga obispo, pari, madre, mga manggagawa ng n.g.o.,
ng mga kapitbahay, may-ari ng pabrikang dating pinapasukan
ng aking anak, kung saan siya huling nakita.
“Anak ko – tulungan nyo akong hanapin ang aking anak.”
Paghihintay – isang nagngangalit na dagat,
nadudurog na burol, tuyot na patak ng ulan;
langkay-langkay na pagsalakay ng agnas na hininga,
ng talaksan ng upos, ng kinakalawang na hinlalake,
ng pulbura; ng mga butil ng pawis, dugo, plema, tamod,
at binunot na mga kuko.
Paghihintay – isang kulubot na kamay,
lumulutang sa pagitan ng pintong nakatiwangwang
at ulilang kandilang pitong taon nang
nananabik sa halik ng apoy.