Thursday, May 01, 2014

sinumbatan ako ng sulsi sa iyong kamiseta


Sinumbatan ako ng sulsi sa iyong kamiseta
noong  alukin mo ako ng tinda mong mga k’wintas;
ayaw, ayaw pumanatag nitong aking pag-iisa.

sinumbatan ako ng sulsi sa iyong kamiseta
“B’wisit, abala”,  dagli kong kinuyom ang aking bulsa,
tiniyak na wala ni kalansing na dito’y aalpas.

Ayaw, ayaw pumanatag nitong aking pag-iisa.
Laksang bubog ng yelo ang lumuwa sa aking mata –
mga pangil ng lamig na sa iyong puso’y ngumatngat;

sinumbatan ako ng sulsi sa iyong kamiseta
Dapit-hapon, umaambon; marahan, tumalikod ka –
humakbang. Yumakap sa iyong likod ang mga patak;

ayaw, ayaw pumantag nitong aking pag-iisa
Tinawag kita sa gitna ng ulan: “bata halika!”
Ikinubli ka ng dilim; lalamunan ko’y nalaslas.

Sinumbatan ako ng sulsi sa iyong kamiseta,
Dapit-hapon noon, umaambon nang lumapit ka,
bitbit ang tinuhog na kampupot na wala nang katas;
ayaw, ayaw pumanatag nitong aking pag-iisa.