Friday, April 20, 2012

ang pasimula


1.  Walang titik, walang tala ang simula

Sa simula ay patak ng hamog
                at butil ng alikabok
na nagtagpo,  nagtalik
sa puyo ng alimpuyo
ng walang patid na pag-inog
        ng mga daigdig.

Walang tala
kung saan at kailan nagmula
ang patak ng hamog, 

walang titik
ang panganay na tibok
 ng butil ng alikabok.

       Ngunit minsan,
sa isang panahong  lumipas,
 namutawi sa bawat bibig,
nanahan sa gunita ng madla,
at inawit ng hangin
ang tungkol sa tuwa ng isang diwata 
              at halakhak ng isang bathala.



2.  Sa daigdig ng walang patlang na  liwanag

Gumising sa isang panaginip ang diwatang
naglaho na ang pangalan
sa alaala ng sambayanan ;
                                
ngunit sa salay-ginip na ito’y nagbabanyuhay
                              sa bansag na Gimgimulah.

Naalimpungatang inapuhap ng diwata
ang hibla ng dilim na pumasok
sa kanyang bumbunan,  
umikot-ikot  at  tila dapog na dumarang  
sa kanyang dibdib, umikid
at namugad sa kanyang sinapupunan.

Pagkaraan ng ilang saglit,          
lumabas sa kanyang pusod ang hibla
at sumungkit ng hamog
sa kanyang kaliwang mata.

Pumatak sa palad ni Gimgimulah
ang nahulog na butil ng hamog,
masuyo niya itong  hinagkan
at pagkatapos ay humimig:

“Hayo,  hamog ng aking tuwa,
binhing butil ng aking luha;
hanapin ang ating tadhana.”

Walong beses  na  umikot
sa palad ni Gimgimulah ang hamog,
pagkatapos ay dumausdos sa kanyang daliri
at kumapit sa hibla ng dilim,
na agad namang pumailanlang sa pagitan
ng daigdig ng walang patlang na liwanag
at daigdig ng walang patlang na dilim.



3.  Sa daigdig ng  walang patlang na dilim

Noong panahon ding iyon,
 isa namang bathala ang ginambala
                              ng isang  babala
sa kanyang panaginip.

Bahagyang napaiktad  si Kobakila
nang tila ipu-ipong umikid papasok
 sa kanyang bibig
ang isang himaymay ng liwanag,
umikot sa kanyang dibdib
at pinag-alab na tila pugon
           ang kanyang  puson,
pagkatapos ay dumukot ng alikabok
                 sa kanyang pusod.

Inilapag ng himaymay
       ang butil ng alikabok
sa palad ni Kobakila .
Makaraang masuyo itong  hagkan,
umawit ang bathala:

‘Sulong,  alikabok ng aking halakhak,
salubungin takda ng ating tadhana;
hindi dapat maantala ang paglikha.’

Walong beses na umikot sa kanyang palad
                                    ang butil ng alikabok, 
dumausdos sa kanyang daliri
at kumapit sa himaymay ng liwanag,
                   na agad namang lumipad
patungo sa pook na nakapagitan
sa daigdig ng walang patlang na liwanag
at daigdig ng walang patlang na dilim.



4.  Nagsalikop ang liwanag at dilim

Hindi nagkisap-mata
at nagtagpo sa pagitan
ng daigdig ng dilim at ng liwanag
ang butil ng alikabok  at patak ng hamog.

Kaagad nagtagis ang darang ng dapog
             at ang liyab ng pugon,
at nilingkis ng walang patid na pag-ikid
ang pagsasanib-ligaya
nina Gimgimulah at Kobakila,
 
hanggang magbuhol
ang magkabilang laylayan 
ng mga balabal nilang liwanag at dilim
at magsalikop at tumibok
                                    na iisang pulso;
hanggang maging isa ang ritmo
ng kanilang mga hininga.

Sandaling tumigil
ang pag-inog ng mga daigdig
        nang bumunghalit
     ang magkasanib na halakhak
nina Gimgimulah at Kobakila.

               Sa isang iglap, nagsalikop
ang daigdig ng walang patlang na liwanag
       at daigdig ng walang patlang na dilim;
isinilang ang Liwalim –  ang pook-pinagsalikupan
ng liwanag at dilim,
ng liwanag at dilim.

Mayamaya, lumiyad at lumatag
 ang butil ng alikabok,
nabasag  at umagos ang patak  ng luha;    

          lumuwal ang malapad na lambak
na ginagapangan ng sanga-sangang ilog,
na hinahaplos ng mabining hangin –

daigdig na supling
ng walang patid na pagtatalik
ng halumigmig at alikabok,
            ng pagsasanib-hininga 
nina Gimgimulah at Kobakila.