Sunday, January 02, 2011

tinutugis ako ng sanlaksang kamatayan


Sa iyong sinapupunan ako nagmula;
ngunit ipinaggiitan kong hinugot ka lang
sa aking tadyang -- isang ekstensiyon
anino, ari-arian, laruan.

Isang lalaking kapon, kulang.

Ikaw ang nagluwal sa akin;
ngunit ibinasura kong
tulad ng isang laspag na kondom
ang alab at aral ng iyong sinapupunan,
ang lamig at ligamgam na nag-iwi sa akin.

Isa ka lamang sinapupunan – madilim,
mabangis na gubat na walang pangalan,
kaya nararapat manatili sa dilim.

Hinubog at pinatakbo ko ang daigdig
ayon sa aking bisyon at kagustuhan.
Nagbuo ako ng hukbo, naglunsad ng gera,
tumuklas at gumamit ng armas- pamuksa.
Pinaluhod ko sa aking harapan
ang lahat na parang alipin,
sinupil ko ang dagat at ilog,
ang bukid at bundok,
ang apoy at hangin.

Walang lingon-likod kong tinugis
at tinuhog ang pinakamalalayong bituin
upang gawing kuwintas,
upang ibayong pagningningin
ang karangalang kakambal
ng aking kasarian – kawangis ng aking Diyos,
kawangis ng nilikha kong Diyos.

Tinalikdan ko ang aral at alab
ng sinapupunang nagluwal sa akin;
at ngayo’y napapagod ako.
Binabagabag ako ng buhay
na binigyang-hugis
ng aking mga daliri.
Binabagabag ako
ng nilikha kong gutom at dahas.

Nais kong umiyak;
ngunit hindi ba’t ang luha’y
para lamang sa aking anino?
Sa aking ekstensiyon?
Sa aking ari-arian?
Sa aking laruan?

Nais kong bumalik
sa sinapupunang nagluwal sa akin,
nais kong muling palukob
sa lamig at ligamgam ng buhay;

sapagkat inutugis ako
ng sanlaksang kamatayan.