Sunday, January 02, 2011

kropek


Paos ang pasasalamat na inusal ng maputla mong labi
nang abutin mo ang pabaon kong piso. Napaso ako
sa lamig ng iyong daliri, nanulay ang liyab ng yelo
sa aking bisig, namugad ang ginaw sa aking dibdib.
Agad naglagalag ang aking mga mata upang iwasan
ang iyong titig. Nangimi akong aluin, kahit saglit,
ang nakakapit na kirot ng sikmura
sa ilog na namuo sa iyong mga mata.
Natakot akong lusungin kahit saglit
ang bukal ng pag-unawa sa ilog na iyon.
Gumuho ang aking mga kalamnan at buto.
Batid kong hindi kayang haplusin ng piso
ang hapdi ng agahan nating kropek.
(Paano pa kaya ang pagngatngat
ng pagpapanggap na busog ka pa,
habang nilulunok mo ang amoy
ng pananghaliang iniaalok
ng iyong mga kaklase at guro?)
Hindi mo na kayang ipantawid-
gutom ang mga salita.
Binusog kita ng mga teksto
at imahen na nagpapalagablab
sa mga kamao at istrimer.
Ngayo’y dumidighay
ng katanungan
ang iyong
mga mata.
Hanggang
kailan
itay
?