Sunday, May 02, 2010

paghulagpos sa banlik ng paglimot


Paulit-ulit ang inyong pagdalaw
at mahigpit ang inyong pagbabantay, Ingkong.
Walang patid ninyong tinugaygayan
ang aking paglalagalag; kinabisado ang likaw
ng bawat sulok at singit ng aking mga panaginip.
Tinambangan ninyo at binulabog
ang mga madaling-araw ng aking pag-aagaw-tulog,
mga sandaling pinipilit kong iwaksi
ang bagsik ng daigdig, nang kahit paano’y makaipon ng lakas
para sa susunod na paggising. Pero walang sablay
ang inyong pagsalakay; pinasok ninyo
ang pinakamatibay kong tanggulan –
binihag ninyo ang aking talinghaga.
At sino ako para tumanggi?
Sa dibdib ninyo namulaklak ang aking bibig.
Sino ako para sumuway?
Iginuhit ng inyong mga talampakan
ang bulaos na aking dinadaanan.

Narito ang aking mga panaginip, sinisisid
ang mga gunitang nakalibing sa lamig ng tubig-dam,
ginigising ang inyong mga bahag at badang
na ngayo’y nakahimlay sa putik at banlik ng paglimot.