Tuesday, August 29, 2023

saka na


bitbit ng hikbi ang halakhak
kung paanong ang hindi pagsipot 
                                  ay  pagsapit,

at ang sapat ay sapot ring 
kulungan ng kakulangan.

                        sangkot ang singkit 
                                  na sikat-araw 
sa sakit ng sakong at sikong
    sumuko na sa pagsungkit.

sino ang sasaklolo ngayon sa sako 
at salakot na saklot ng suklam 
ng mga sakalam sa Malakanyang?

sisiklab kaya ang malasakit  
                       at pagbabakasakali

kung laging nakakasa ang saltik
                ng salitang "saka na”?