Saturday, May 03, 2014

masisisi ba ang susô


hindi laging umuungos
ang maangas, umingos man siya
at manggulat sa galit. malamang
mapiit lamang siya sa pait ng sariling
poot.  malamang silaban lamang siya ng inis

sa  unos ng mga anas nilang mga tikom
ang bibig at kamao – kumikilos,
tiyak  na kumakalas sa renda ng nakaririnding
pagngawa, pagngiwi, at pagtunganga.  hukbong
hakbang-hakbang na sumusulong.  masisisi ba

ang susô? sa bawat sulok na sulingan
ng hilong kuneho, nakasulat ang ganito: 
“langhapin mo laway ko.”